Home HOME BANNER STORY Hindi banta kundi plano: NBI chief Matibag itinuring na threat sa national...

Hindi banta kundi plano: NBI chief Matibag itinuring na threat sa national security banta ni VP Sara kay PBBM

8
0

MANILA, Philippines – Hindi lamang tinuturing ng National Bureau of Investigation(NBI) na banta bagkus isang plano ang binitiwang salita ni Vice President Sara Duterte na pagpatay kay Pangulong Bongbong Marcos gayundin ay tinuturing ito na hindi lamang basta krimen kundi direktang usapin ng national security.

Sa pagtestigo ni NBI Director Melvin Matibag sa panig ng prosekusyon sa  ika-8 araw ng impeachment trial sinabi nito na sa aspeto ng law enforcement ang ginawang banta ng Vice President ay tinatrato ng ahensya na hindi banta kundi isang plano para sa sa pagpatay pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ang nangyaring pagbabanta ay saklaw ng continuing investigation ng NBI.

“Ang ating Vice President ay kasalukuyang subject sa ating continuing investigation doon po sa pagbabanta at planong pagpatay po sa ating Pangulo, sa First Lady at sa dating Speaker of the House,” pahayag ni Matibag.

Sinabi ni Matibag na hindi natapos sa mga kasong grave threats at inciting to sedition na nakabinbin sa Department of Justice ang ginagawa ng NBI bagkus ay bumuo ang ahensya ng special task force upang ipagpatuloy ang imbestigasyon, mag-monitor ng mga banta, at agad iulat ang mga umuusbong na developments.

“Tayo po ay nagtatag ng tinatawag na special task force sa pamamagitan ng pag-create ng isang administrative order, kung saan bumalangkas po tayo ng mga miyembro ng aming opisina para sila po ang magpatuloy ng imbestigasyon na ito at mag-monitor po ng mga kailangang gawin,” dagdag pa nito.

Tinukoy nito  ang Administrative Order No. 11 na inisyu noong Abril 16, 2026 bilang basehan ng task force.

“Nakasaad po diyan sa administrative order na iyan ang patuloy na pakikipag-ugnayan po sa Office of the Director, patuloy na pag-uulat kung ano po ang kanilang nakikita o namo-monitor. At lalong-lalo na po kung may specific na kailangang agad na matugunan, ay dapat ipaalam sa Office of the Director,” paliwanag niya.

Ibinunyag ni Matibag na kabilang sa nagtulak sa pagbuo ng task force ang mga pampublikong pahayag ng Vice President, pati na rin ang isang broadcast ng RAGE Coalition rally noong Abril 12.

“May broadcast po ng isang rally na tinatawag na RAGE Coalition. If I remember it correctly, it’s April 12, na nagsalita ang Mayor ng Davao City na si Mr. Sebastian Duterte na sinabi na, ‘Isang ulo lang naman ang kailangan namin, at iyan ay ang ulo ni Bongbong Marcos.’ Iyan po ay aming isinama sa aming factor upang buuin po itong Administrative Order No. 11,” testimonya ni Matibag.

Tumutol ang depensa sa testimonya kaugnay ng task force, sa argumentong hindi ito nakasaad sa Articles of Impeachment ngunit pinayagang magpatuloy si Matibag ng presiding officer.

Ayon pa kay Matibag, pinagsama-sama sa task force ang National Capital Region, Cybercrime, Organized and Transnational Crime, Technical Intelligence, at Digital Forensic Laboratory divisions ng NBI.

Kasama sa kanilang gawain ang tuluy-tuloy na surveillance, pag-monitor ng mga banta sa social media, koordinasyon sa mga dayuhang counterpart, at teknikal na eksaminasyon ng ebidensya.

Para sa NBI,  aabot sa buong gobyerno at bansa ang posibleng epekto ng anumang banta laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa dahil anumang banta saPangulo ay banta sa seguridad ng bansa sapagkat ito ay magdudulot ng kaguluhan at destabilization. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here