CARACAS, Venezuela — Kinumpirma ng Ministry of Health ng Venezuela na tatlong katao ang nasawi matapos mahawa ng hantavirus sa estado ng Anzoátegui.
Ayon sa pamahalaan, walang ebidensiyang naipapasa ang sakit mula tao sa tao sa bansa. Karaniwang kumakalat ang hantavirus sa pamamagitan ng mga daga, at bihira lamang ang human-to-human transmission.
Nilinaw rin ng health ministry na walang kaugnayan ang mga pagkamatay sa hantavirus sa pagkamatay ng dalawang health worker sa estado ng Barinas, na patuloy pang iniimbestigahan.
Noong Abril, nagkaroon din ng hantavirus outbreak sa MV Hondius cruise ship kung saan tatlong tao ang namatay. Idineklara ng World Health Organization (WHO) na tapos na ang outbreak noong unang bahagi ng Hulyo.
Ang barko ay umalis mula Argentina, kung saan matatagpuan ang Andes strain, ang tanging uri ng hantavirus na kilalang maaaring maipasa mula tao sa tao. RNT/MDS