MANILA, Philippines – Matinding kinondena ni Senador Erwin Tulfo ang pananakit at tangkang pagdakip sa dalawang photo-journalist na nagkokober ng rally sa Cultural Center of the Philippines Complex sa Roxas Blvd., Pasay City.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Tulfo, dating journalist bago maging senador, na hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng ilang miyembro ng Pasay City Police Station na nakatalaga sa PICC na nagbabantay sa rally laban sa ASEAN Summit nitong Miyerkoles.
Kasabay nito, kinondena din ng Press Photographer of the Philippines (PPP) sa pananakit at tangkang pagdakip kay Bullit Marquez ng Vera Files, at Rene Dilan ng Manila Times habang nagkokober ng anti-ASEAN rally sa Pasay City.
Makikita sa nagiging viral na video sa social media na hawak-hawak ng isang miyembro ng Pasay City Police si Marquez na nagpupumiglas upang bitawan siya na legal na ginagampanan ang tungkulin bilang pamamahayag.
“Ang mga mamamahayag po, kabilang na yung ating mga photojournalists, ay may karapatang mamahayag nang walang banta ng pag-aresto o pananakit. Kung wala po ang mga photojournalists tulad nila Bullit Marquez at Rene Dilan, wala po tayong mata sa mga current events,” ayon kay Tulfo.
Aniya, kapwa beterano sa industriya ng pamamahayag sina Marquez at Dila na hanggang ngayon nagsisilbi bilang photo-journalist sa kani-kanilang organisasyon.
“Parehong beterano sa industriya, si Bullit ay former Associated Press Editor samantalang si Rene ay Photo Editor ng Manila Times. Hanggang ngayon, nagsisilbi silang matibay na haligi ng media,” ayon kay Tulfo.
“Bilang mamamahayag ng ilang dekada, saksi po ako sa hirap na dinaranas ng mga media workers. Pakiusap ko po sa ating mga awtoridad, panatilihin silang ligtas at malaya na gawin ang trabaho nila,” giit ng senador.
Sa kanilang panig, nagpalabas kaagad ang pagkondena ang PPP sa Insidente sa pagsasabing “denouncing the incident as a clear violation of press freedom and constitutional rights to gather news, the PPP demand a swift, transparent PNP investigation to hold the responsible personnel accountable.”
“Standing in firm solidarity with Marquez, Dilan and all media workers, the organization urges law enforcement to strictly respect journalists’ rights and protect their fundamental duty to inform the public without fear of intimidation,” ayon sa PPP. Ernie Reyes