MANILA, Philippines – Napiga ni Senator-judge Erwin Tulfo si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kung ano ang pagkakakilanlan ng hitman ni Vice President Sara Duterte na kinontrata upang patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial, itinanong ni Tulfo kay Matibag kung sino ang “persons of interest” ng ahensiya na kinausap ni VP Sara upang patayin ang Pangulong Marcos.
“Ano tanong ko po, paano pala ho ninyo ito’y natalisod o natunton ang impormasyong ito? Gayun, sa kanya pong presscon, wala naman po siyang sinabi kung sino mga taong ito. Sinabi niya lang na may kinausap na ho siya, how did you find out?,” tanong ni Tulfo.
Tugon ni Matibag na base sa pamamaraan na sinusunod ng NBI sa pagtutukoy ng suspek sa kasong hinahawakan ng ahensiya upang maging successful ang imbestigasyon, sinasandigan nito ang intelligence support.
“Yon nga po may tinatag po tayong open source intel, human intelligence, and we also use tools to monitor things. At nag-trim down po tayo niyan, tinitingnan po natin hanggang dumating tayo doon sa punto na mayroon pong resolusyon yung ating kasong tinitingnan. With regards don sa persons of interest, yung prosesong din yan po ang ating sinundan,” ayon kay Matibag.
Kasunod na tanong ni Tulfo na kahit hindi banggitin ang pangalan ng mga ito o pagkakakilanlan ng persons of interest sa hitman, hiniling nito na magbigay ng ideya ang hepe hinggil sadito.
“Kung ano po talaga ang trabaho nila? Kung sila po ba talaga yung mga hitman o mga gun for hire or riding in tandem? Ano pong klaseng trabaho meron itong mga ito?,” tanong ni Tulfo.
Ayon kay Matibag: “Although I cannot reveal so much in identity, but going through the process na sinasabi ko nga po. So we’re using informants, may mga sinusundan po tayo. Ang una-una po nating tiningnan diyan, yung mga pong sinabi na kumausap ng papatay at yung pong papatay ay pumayag na.”
“So, ano pong ginawa natin dito? Tiningnan na natin kung saan sphere po papasok, sino ba yung pwede, saan ba pwedeng nanggaling yun, hindi kaagad sino, saan po ba pwede nanggaling yun. At lumalabas po rito, alam natin, yung kasaysayan, malawak po ang kanyang tinatawag na connection, yung network po. Alam naman natin na siya ay Bise Presidente at ang dating pangulo ay kanyang ama. Ibig sabihin, naka-develop po ito ng mga relasyon,” dagdag ng opisyal ng NBI.
Giit ni Matibag na unang iniimbestigahang ng ahensiya ang men in uniform na itinalaga sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang security ng bise presidente kabilang ang itinayo nitong sariling security group at Davao Death Squad (DDS).
“Unang-una na sa mga men in uniform na hanggang sa ngayon marami po rito na na-appoint pa niya noong panahon na sila ay nandyan. Nandyan din po, binanggit ko yung vice president sara sa security group. At yung po mga Davao Death Squad. So tiningnan po natin at tiningnan by process of elimination yung mga tao po na maaaring dun nanggaling or maaaring nakakaalam,” ayon kay Matibag.
“And by process of elimination, nag-start po kami maraming individuals. Hanggang sa ma-trim down po namin ang ma-trim down. Hanggang sa ngayon, kaya sinabi ko po kahapon sa kagalang-galang sa katanungan ng ating Senate President po. Eh gaano ba katagal pa ito? And I said we have great progress dahil nagsimula po kami sa maraming ngayon na trim down na po namin siya iilan na personalidad po,” paliwanag ng hepe. Ernie Reyes