WASHINGTON — Umabot na sa tinatayang $37.5 bilyon ang nagastos ng Estados Unidos sa digmaan laban sa Iran mula nang magsimula ang labanan halos limang buwan na ang nakalipas, ayon kay US Defense Secretary Pete Hegseth.
“The estimate we have as of today is USD37.5 billion,” sinabi ni Hegseth sa pagdinig ng Senate Appropriations Committee kaugnay ng kahilingan ng Department of Defense na $67 bilyong karagdagang pondo para sa digmaan.
Iginiit ni Hegseth na ang Iran ay “at the weakest point militarily it has ever been in the past decade” at posibleng pinakamahina sa loob ng 47 taon. Sinabi rin niyang libu-libong Iranian ballistic missile na ang nawasak.
Nang tanungin kung paano nagawa pa rin ng Iran na pababain ang daloy ng mga barko sa Strait of Hormuz, sinabi ni Hegseth na nakapaglipat ang US ng 200 milyon hanggang 500 milyong bariles ng langis “under the nose of Iran.”
“We did so covertly, because it was more effective to do so quietly than publicly…We’ve been in control of moving traffic through there for quite some time,” dagdag niya.
“We had a ceasefire, and then they shot at commercial shipping,” ani Hegseth.
Kaugnay ng posibleng tulong ng Russia at China sa Iran, sinabi ni Hegseth na may “definitely adversary alignment, attempts to do so” sa pagitan ng Tehran at dalawang bansa. Mayroon umanong “many ways” ang Washington upang pigilan ito, ngunit ang ilan sa mga hakbang ay “ought to remain classified.”
Sinabi rin niyang sa magkakaibang antas ay nagbibigay-daan ang Russia at China sa ilang aktibidad ng Iran.
Samantala, kinilala ni Gen. Dan Caine, chairman of the Joint Chiefs of Staff, ang limitasyon ng paggamit lamang ng air power upang talunin ang Iran.
“If you look across the totality of history, air power’s got limits, and we always have to be mindful of those,” ani Caine. Dave Baluyot