MANILA, Philippines – Lumagpas sa $100 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado nitong Huwebes, na maaaring magdulot ng panibagong pagtaas sa presyo ng petrolyo, pamasahe at mga pangunahing bilihin sa mga bansang umaasa sa imported na langis tulad ng Pilipinas.
Tumaas nang pitong porsiyento at lumagpas sa $100 kada bariles ang international benchmark na Brent North Sea crude matapos salakayin ng Iran-backed Houthi rebels ang mga barkong dumaraan sa Red Sea.
Nagbanta naman si US President Donald Trump ng “major military punishment” laban sa grupo, dahilan upang lumakas ang pangamba na lalo pang maaantala ang pandaigdigang suplay ng langis.
Nangako rin ang Iran na ipagpapatuloy nito ang mga pag-atake sa Gulf region hangga’t nagpapatuloy ang mga opensiba ng United States laban dito.
Mahalaga ang pagtaas ng presyo ng langis para sa Pilipinas dahil malaking bahagi ng suplay ng petrolyo ng bansa ay inaangkat mula sa ibang bansa. Kapag nagpatuloy ang pagtaas ng pandaigdigang presyo, maaaring sumunod ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene sa mga lokal na gasolinahan.
Maaari rin itong magpataas sa gastos sa transportasyon, kuryente, paghahatid ng pagkain at paggawa ng mga produkto, na posibleng maramdaman sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Lumala ang pangamba sa kakulangan ng suplay dahil lubhang naapektuhan ang pagdaan ng mga oil shipment sa Strait of Hormuz. Milyun-milyong bariles ng langis ang inilihis ng Saudi Arabia patungo sa Red Sea, ngunit maaari ring mawalan ng daanan ang mga ito dahil sa mga pag-atake.
“If Saudi Arabia is unable to move the additional quantities of crude oil that they redirected already from the Persian Gulf, it means that supply disruption is that much worse for the rest of the world at a time that we continue to draw down our commercial inventories,” sinabi ni Andy Lipow ng Lipow Oil Associates.
Nagbabala ang mga analyst na maaaring magpalala sa inflation ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at magbigay ng presyur sa mga central bank na panatilihin o itaas ang interest rates.
Tumaas din ang sovereign bond yields, na maaaring magpamahal sa pangungutang at paggastos ng mga pamahalaan sa iba’t ibang bansa.
Inilarawan ni European Central Bank head Christine Lagarde bilang “alarming” ang mga ulat tungkol sa pag-atake ng Houthis, bagaman huli na itong lumabas upang maisama sa desisyon ng ECB na panatilihin ang kasalukuyang interest rates.
Gayunman, ang sitwasyon sa Red Sea “is clearly going to have an impact and is having an impact,” aniya.
“We can see that on the price of Brent as it evolves almost by the hour.”
Bumagsak din ang Wall Street kasunod ng pagtaas ng langis at hindi magandang pagtanggap ng mga investor sa earnings reports ng Google parent company na Alphabet at electric vehicle manufacturer na Tesla.
Samantala, umangat ang energy at defense stocks. Tumaas nang 7.3 percent ang RTX habang umakyat nang 10.5 percent ang Lockheed Martin matapos mag-ulat ng malakas na resulta sa gitna ng mataas na paggastos ng US Pentagon kaugnay ng US-Iran conflict. RNT