MANILA, Philippines – Pinabibilis na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng temporary bypass sa landslide-hit Bukidnon-Davao (Buda) highway sa Davao City para ibalik ang access sa mga light vehicle at bus habang pinagsisikapan ng mga engineer ang mas pangmatagalang solusyon.
Ininspeksyon ni Public Works Secretary Vince Dizon, ang nasirang kalsada sa Sitio Marahan, Barangay Marilog, nitong Huwebes, Hulyo 23 at sinabing ang mga DPWH engineer ay isinasapinal na ang disenyo ng bypass at ang konstruksyon ay nakatakdang magsimula sa Lunes.
“We need to reopen this to light vehicles and buses to ease the burden of travelers. The (current) detour is admittedly difficult as it is (at least) 9 km compared to only three (with the planned temporary road), and the road is narrow, which slows down travel,” sinabi ni Dizon.
Hindi madaanan mula Hulyo 17 ang Marahan section ng Buda highway dahil sa malawakang landslide dahil sa malalakas na pag-ulan.
Ang naturang kalsada ay mahalagang transport corridors na nag-uugnay sa Davao at Northern Mindanao regions.
Para sa permanenteng rehabilitasyon, sinabi ni Dizon na nakikipagtulungan ang DPWH sa Japanese consultants para pag-aralan ang long-term slope stabilization measures habang nagpapatuloy ang geotechnical investigations.
Hinimok naman ni DPWH Region 11 spokesperson Dean Ortiz ang mga motorista na gamitin ang designated alternate routes hanggang sa makumpleto ang temporary bypass. RNT/JGC