Home NATIONWIDE PDP-Laban nagsagawa ng national assembly; pagkakaisa, ipinanawagan

PDP-Laban nagsagawa ng national assembly; pagkakaisa, ipinanawagan

6
0

DAVAO, Philippines – Nagdaos ng national assembly ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP)-Laban sa Davao City nitong Sabado, kung saan dumalo ang mga opisyal at miyembro ng partido mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kabilang sa dumalo sina PDP-Laban president at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, Senador Robin Padilla, at Senador Christopher “Bong” Go.

Nagpasalamat si Duterte sa tiwalang ibinigay sa kanya bilang pangulo ng partido sa susunod na dalawang taon at nanawagan ng pagkakaisa. Muli rin niyang isinulong ang federal form of government at binatikos ang kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Duterte, mas inuuna umano ng administrasyon ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kaysa sa imbestigasyon sa umano’y korapsyon sa flood control projects.

“Ano ang priority ng administration ngayon? Yung impeachment ng vice president, because we all know, ‘pag hindi nila matatanggal ang vice president ngayon, hindi sila makalagay ng presidente nila on the 2028 elections because she is a great threat sa presidency this 2028,” aniya.

Iginiit din niyang nagagamit umano ng pangulo ang kapangyarihan laban sa mga kritiko. Binanggit niya ang sitwasyon nina Senador Ronald dela Rosa, Senador Rodante Marcoleta, at dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa The Hague, na aniya ay ilegal dahil wala umanong hurisdiksyon ang International Criminal Court.

“We know the process, and they broke the process, and mind you, this is an establishment that should be an honorable one, and yet they move like syndicates. They have cooperated with the president, who moves like a syndicate,” saad niya.

Hinimok din ni Duterte ang mga miyembro ng partido na ipaglaban ang bansa laban sa umano’y korapsyon at paghahanda para sa halalan sa 2028.

“So we have to fight kahit gaano sila kalaki, makapangyarihan. Nasa kanila ang lahat ng pera, tinatakot nila ang lahat, kinukulong nila ang lahat. Hindi tayo titigil hangga’t sa hindi tayo mauubos. Pero mauna muna kayo ha, ako na last kulong,” ani Duterte.

Idinagdag pa niya na umano’y umabot na sa ₱1 trilyon ang nawala dahil sa korapsyon habang patuloy na naghihirap ang maraming Pilipino. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here