Home METRO Pamilya tumanggi sa autopsy sa batang nasawi sa hampas ng notebook sa...

Pamilya tumanggi sa autopsy sa batang nasawi sa hampas ng notebook sa ulo

1
0

DAVAO – Tumanggi ang pamilya ng walong taong gulang na batang babae na isailalim sa autopsy ang kanyang labi matapos siyang mamatay ilang araw makaraang umano’y hampasin sa ulo ng notebook ng isang lalaking kaklase sa loob ng pampublikong paaralan sa Davao City.

Sinabi ng ina ng biktima na wala silang sinisisi sa pagkamatay ng kanyang anak.

“Sa ngayon ma’am, hindi ko pa masasabi ma’am dahil wala naman talaga akong isinisisi dahil mga bata pa naman din kasi ma’am. Wala akong isinisisi kahit kanino, wala,” aniya.

Batay sa paunang imbestigasyon, ilang ulit umanong hinampas sa ulo ng notebook ang bata habang nag-aaway sila noong Hulyo 17, 2026. Bineberipika rin ng pulisya ang mga ulat na sinipa, sinuntok, at siniko umano ang biktima.

Dinala muna ang bata sa isang manghihilot bago isinugod sa ospital noong Hulyo 21, kung saan siya kalaunan namatay. Batay sa medical findings, brain failure at traumatic brain injury ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

“Ang ating instruksyon sa station commander is to conduct in-depth investigation to determine ‘yong punot dulo nitong pagkasawi ng isang estudyante at matukoy natin kung sino ang naging salarin bago naganap itong insidente na ito,” sinabi ni Davao City Police Office Director Col. Peter Madria.

Personal na dinala ng school principal sa ina ang mga liham mula sa mga kaklase ng biktima sa kanilang bahay sa Samal Island, Davao del Norte, kung saan idinaraos ang burol.

“Sa mga kaklase ni Jaira, salamat sa inyong pagmamahal kay Jaira. Hindi ko matanggap…hindi na ninyo makikita si Jaira, hindi na siya makakabalik sa paaralan. Salamat sa inyong mga mensahe kay Jaira,” sinabi ng ina.

Nagbigay rin ng tulong at pakikiramay ang paaralan sa pamilya at planong maglagay ng CCTV camera sa bawat silid-aralan kapag nagkaroon ng sapat na pondo.

“Plano ng paaralan na maglagay ng CCTV sa bawat silid-aralan. Mayroon na kaming CCTV sa paligid para kung may mangyari, makikita agad at mairerebyu agad. Kung may CCTV, siguro maiimpormahan ang mga bata na may CCTV, siguro mag-iingat sila dahil alam nilang makikita kung may gagawin sila,” sinabi ni school principal Friendee Nunez.

Ayon sa ina, pangarap ng kanyang anak na maging guro.

“Pangarap niya na mag-viral siya sa TikTok, pero iba ang pagkaka-viral niya ngayon ma’am. Wala na siya, pumanaw na siya sa amin,” aniya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here