Home NATIONWIDE INC binati ni Isko sa ika-122 anibersaryo

INC binati ni Isko sa ika-122 anibersaryo

2
0

MAYNILA – Nagpaabot ng taos-pusong pagbati si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdiriwang ng ika-112 anibersaryo nito nitong Lunes, kasabay ng pagbibigay-diin sa makasaysayang ugnayan ng simbahan at ng Lungsod ng Maynila.

Sa kanyang “Talk to the People” na ipinalabas sa Facebook Live, sinabi ni Domagoso na ipinagmamalaki ng mga Manilenyo na sa Maynila nagsimula ang isa sa pinakamalalaking samahang panrelihiyon sa buong mundo.

Sa kanyang mensahe, binati ng alkalde sina Iglesia ni Cristo Executive Minister Eduardo V. Manalo at Deputy Executive Minister Angelo Eraño Manalo, gayundin ang lahat ng miyembro ng INC sa kanilang pagdiriwang.

Binalikan din ni Domagoso ang tatlong makasaysayang lugar sa Maynila na naging bahagi ng kasaysayan ng Iglesia ni Cristo. Kabilang dito ang unang bahay-sambahan sa Punta, Sta. Ana na itinayo ni Felix Y. Manalo noong 1914, ang unang permanenteng gusaling simbahan sa Lokal ng Washington sa Maceda Street, Sampaloc, at ang Lokal ng Moriones sa Tondo na kabilang sa mga kauna-unahan at pinakamalalaking kapilyang bato ng INC.

Ayon sa alkalde, ang mga makasaysayang lugar na ito ang nagpapatunay na sa Maynila nagsimula ang paglaganap ng Iglesia ni Cristo bago ito lumawak sa buong Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ipinahayag din ni Domagoso ang kanyang pagmamalaki sa patuloy na paglago ng Iglesia ni Cristo sa ilalim ng pamumuno ni Eduardo V. Manalo, lalo na sa pagpapalawak ng misyon at iba’t ibang gawaing pangkawanggawa sa iba’t ibang bansa.

“Sa ating mga kapatid sa Lungsod ng Maynila, taos-puso po ang aming pagbati. We are proud of you,” ani Domagoso.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, ipinanalangin ng alkalde ang patuloy na mabuting kalusugan at lakas ni Eduardo V. Manalo upang maipagpatuloy ang pamumuno at paggabay sa mga miyembro ng Iglesia ni Cristo sa buong mundo. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here