BULACAN, Philippines – Patay ang isang 28 anyos na babae matapos umanong barilin sa ulo sa Sitio Barmat, Brgy. Wawa, Balagtas, bandang 1:49 ng madaling araw ng Lunes, Hulyo 27.
Ss ulat ni PMAJ Mark Anthony San Pedro, hepe ng Balagtas police station, bunga ng isinagawang hot pursuit operation bandang 9:20 ng gabi ng araw na iyon, katuwang ang Bulacan Provincial Intelligence Unit at RID 3, ay naaresto ang mga suspek na sina alyas “Teteng”, lookout at “Unyok”, itinuturong mastermind sa krimen.
Kinilala naman ang umanoy nakatakas na gunman sa insidente na si alyas “Jadi” na kasalukuyang tinutugis ng pulisya.
Sa operasyon, nabatid na nakumpiska kay alyas “Unyok” ang nasa 16 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P108,800 at Star Eibar Spain Caliber 9mm pistol na may 9 bala.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo ng pamamaril sa biktima.
Sinasabing malapitan binaril sa ulo ng gunman ang babaeng si alyas “Lenlen” na nakatambay sa tindahan ng fish ball, ayon na rin sa impormasyon.
Samantala, tiniyak ni PCOL Jay B. Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, na ipagpapatuloy ang pagtugis sa natitirang suspek upang mapanagot ang lahat ng may kinalaman sa insidente at maihatid ang hustisya sa biktima. (Dick Mirasol III)