MANILA, Philippines – MANILA, Philippines – Mahigit 463,000 kawani ng pamahalaan ang nakinabang sa P27.29 bilyong pautang sa ilalim ng Government Service Insurance System (GSIS) Ginhawa Go Program, ayon sa GSIS.
Sa inilabas na pahayag nitong Miyerkules, Hulyo 29, sinabi ng GSIS na 463,608 aktibong miyembro ang nakatanggap ng microloans mula Oktubre 24, 2024 hanggang Hulyo 28, 2026 sa ilalim ng programa, na dating tinawag na Ginhawa Lite bago muling inilunsad bilang Ginhawa Go noong Pebrero.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, layunin ng programa na mabigyan ang mga miyembro ng mabilis at abot-kayang access sa pautang upang hindi sila mapilitang umutang sa mga impormal na nagpapautang.
Sinabi rin niyang ipinapakita ng dami ng mga benepisyaryo na natutugunan ng programa ang matagal nang pangangailangan ng mga kawani ng gobyerno sa mas maayos na mapagkukunan ng pautang.
Samantala, sinabi ni Finance Secretary Frederick Go, na nanguna sa muling paglulunsad ng programa noong Pebrero 19, na nagsisilbing proteksyon ang Ginhawa Go laban sa mapang-abusong sistema ng pagpapautang.
Sa ilalim ng programa, maaaring umutang ang mga kwalipikadong miyembro ng GSIS ng P1,000 hanggang P50,000 na may anim na porsiyentong interes, na maaaring bayaran sa loob ng 30 araw hanggang 24 buwan, depende sa halaga ng inutang.
Isinasagawa ang aplikasyon sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, at direktang ipinapasok sa account ng miyembro ang aprubadong loan.
May kasama rin itong loan redemption insurance, na sasagot sa natitirang balanse ng utang sakaling pumanaw ang nangutang, upang hindi na ito maging pananagutan ng kanyang mga benepisyaryo. RNT/JGC