Home NATIONWIDE Pag-inspeksyon sa bawat proyekto sa MIMAROPA sa malversation trial ni Zaldy Co,...

Pag-inspeksyon sa bawat proyekto sa MIMAROPA sa malversation trial ni Zaldy Co, ‘di praktikal – ex-DPWH exec

3
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng kampo ni dating DPWH-Mimaropa Planning and Design Division officer-in-charge Montrexis Tamayo na hindi praktikal na personal niyang inspeksyunin ang bawat proyekto ng imprastraktura sa buong rehiyon ng Mimaropa.

Sa pagdinig ng kasong malversation laban sa puganteng dating kongresistang Zaldy Co kaugnay ng umano’y maanomalyang road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro, iniharap ng depensa si Engineer II Benjie Mendoza ng DPWH-Mimaropa Planning and Design Division.

Ayon sa depensa, layunin ng testigo na ipakita ang tungkulin ng dibisyong dating pinamunuan ni Tamayo, ang dami ng mga proyektong ipinatutupad at mino-monitor ng DPWH-Mimaropa, at ang oras ng pagbiyahe na kailangan para sa inspeksiyon ng mga proyekto sa iba’t ibang isla ng rehiyon.

Sinabi ng depensa na dahil nakabase ang opisina ni Tamayo sa East Avenue, Quezon City, hindi makatwirang asahan na personal niyang masusuri ang bawat proyekto bago ang bawat billing dahil sa limitasyon sa transportasyon.

Ayon sa depensa, mahigit 200 proyekto ang ipinatupad ng DPWH-Mimaropa mula 2022 hanggang 2025, at mahigit 800 proyekto ang mino-monitor ng mga district engineering office.

Tinutulan ng prosekusyon ang mga tanong tungkol sa oras ng pagbiyahe, ngunit iginiit ng depensa na mahalaga ito upang maipakita ang praktikal na limitasyon ng mga tungkulin ni Tamayo.

Batay sa kasong inihain ng Office of the Ombudsman, umano’y nilagdaan ni Tamayo ang unang billing certificate of inspection para sa road dike project.

Samantala, sinabi ng prosekusyon na handa itong kilalanin ang pagiging tunay ng sertipikasyon noong Disyembre 22, 2025 mula sa Consular Office ng Philippine Embassy sa Tel Aviv na nagsasabing kusang sumuko si Tamayo sa embahada noong nakaraang taon.

Nauna nang sinabi ni Tamayo na sumama siya sa isang Catholic pilgrimage sa Egypt bago pa inilabas ang warrant of arrest laban sa kanya.

Ayon kay Department of Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, ang kusang pagsuko ay maaaring ituring na mitigating circumstance kung mapapatunayang nagkasala ang akusado.

Itinakda ng korte ang pagpapatuloy ng paglilitis sa Agosto 4. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here