MANILA, Philippines – Inilatag ni Senador Bam Aquino ang 5-point legislative agenda na naglalayong palakasin ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), na tinawag niya na tunay na haligi ng ekonomiya ng bansa dahil binubuo ito ng 99 porsiyento ng lahat ng rehistradong negosyo.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, na nakatuon ang 5-point agenda sa pagpapalawak ng suporta para sa mga MSME, pagtugon sa mga pabigat na regulasyon, pagsusulong ng mga industriyang malaki ang potensyal na lumago, paglikha ng farmer and MSME support and voucher program, at pagpapaunlad ng creative economy ng bansa.
Bilang unang prayoridad, plano ni Aquino na amyendahan ang Magna Carta for MSMEs at Go Negosyo Act of 2014, na kaniyang inakda at ini-sponsor noong 16th Congress, upang mas maging angkop ang mga ito sa nagbabagong kalagayan ng entrepreneurship sa bansa.
“Panahon na ring i-update ang mga batas para i-define ang MSME para mabigyan sila ng tulong at para matugunan ang mga panibagong pangangailangan at panibagong anyo ng ating micro, small and medium enterprises,” giit niya.
“Palalawakin po natin ang access to capital, access to micro-insurance, at iba pang suportang kailangan ng ating maliliit na negosyo,” dugtong pa niya.
Bilang ikalawang prayoridad, nangako si Aquino na isusulong ang mga hakbang upang palakasin ang creative economy ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga Pilipinong artist, creator, filmmaker, designer, at iba pang creative professionals sa pandaigdigang merkado.
“Mula BINI, SB-19, Filipino filmmakers, animators, game developers, Filipino fashion designers, graphic artists, writers. Mayroon pong renewed interest in Filipino culture, food, and creativity–kaya kailangan po nating suportahan at tulungan ang industriya na ito,” wika niya.
Sinabi ng senador na isusulong niya ang paglikha ng isang ahensiya ng pamahalaan na nakatuon sa pagsuporta at pagsusulong ng creative industries ng bansa, katulad ng Korea Creative Content Agency (KOCCA) ng South Korea.
“Nais nating makita ang isang ahensiya ng ating gobyerno na siyang kumakalinga sa ating Filipino creatives at tumulong sa kanilang expansion dito po sa pandaigdigang entablado,” sabi niya.
Bilang ikatlong prayoridad, nangako si Aquino na magtatatag ng government procurement at voucher program na magbibigay-daan upang direktang makinabang ang mga lokal na magsasaka at MSMEs mula sa mahigit P300 bilyong budget ng pamahalaan para sa iba’t ibang assistance program sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa supply chain ng mga programang ito.
“Kung magamit lang po ng tama ang napakalaking budget ng gobyerno, napakarami pong matutulungan at mapapanatili pang abot kaya ang mga bilihin,” sabi pa ni Aquino.
Ang ikaapat na prayoridad ni Aquino ay isulong ang mga repormang magpapalakas sa mga industriyang may mataas na potensyal na paglago, kabilang ang IT-BPM, semiconductors and electronics, shipbuilding, at blue economy.
“Ito po ang mga industriya na kailangan protektahan at palaguin, dahil sila po naglilikha ng mas marami at de-kalidad na trabaho para po sa ating kababayan,” paliwanag niya.
Sinabi rin ni Aquino na tututukan ng Komite ang pag-aalis ng mga hadlang sa burukrasya na nagpapabagal sa paglago ng maliliit na negosyo, kabilang ang mga usaping may kinalaman sa Bureau of Internal Revenue, Food and Drug Administration, at Bureau of Fire Protection.
“Magsasagawa tayo ng mga pagdinig upang solusyonan ang mga nagpapahirap sa buhay ng mga maliliit na negosyo,” giit niya.
Dahil patuloy na nagpapabigat sa mga MSME ang mataas na gastos sa pagpapatakbo ng negosyo, iginiit ni Aquino ang pangangailangan ng agarang reporma upang gawing mas madali at mas mababa ang gastos sa pagpapatakbo ng maliliit na negosyo.
“Now is the time to come together to help and protect our countrymen from price shocks, to support their businesses para lagi pong may trabaho ang bawat pamilyang Pilipino,” wika niya.
Ayon kay Aquino, ang pagtulong sa paglago ng MSME ay makalilikha ng mas maraming trabaho, mapalalakas ang iba’t ibang industriya, at matitiyak na mas maraming pamilyang Pilipino ang makikinabang sa paglago ng ekonomiya ng bansa. Ernie Reyes