MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Energy (DOE) na maaaring magsuplay ng kuryente ang mga nuclear power project sa planong Pax Silica AI, semiconductor, at advanced manufacturing hub sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Ayon kay DOE Director Patrick Aquino, maaaring maging pangunahing gumagamit ng kuryente ang mga kumpanyang lilipat sa AI hub. Patuloy pa ring binubuo ng pamahalaan ang nuclear power program, kabilang ang mga patakaran sa licensing, lokasyon, at iba pang regulatory requirements.
Nagpahayag na rin ng interes ang Meralco at AboitizPower na bumuo ng mga nuclear project, kabilang ang small modular reactors (SMRs).
“Deployment of nuclear power projects requires compliance with stringent requirements on safety, security, and safeguards,” ayon kay Aquino.
Bagama’t may mga pangamba sa pagkaantala ng programa, sinabi niyang posible pa ring maipatayo ang unang nuclear power project ng bansa pagsapit ng 2032.
“2032 may still be possible, but it will take a lot of coordination and resources,” dagdag niya.
Ang nuclear energy ay isang zero-carbon baseload power source na kayang magbigay ng kuryente 24 oras sa isang araw, at ang isang SMR ay karaniwang nakagagawa ng humigit-kumulang 300 megawatts (MW).
Dahil magsisimula ang unang yugto ng AI hub sa 2028, kailangan pa ring tiyakin ng pamahalaan ang sapat na suplay ng kuryente bago pa man maging handa ang nuclear power.
“We just need to make sure anything we do [to power the data hub] will not put the country at a disadvantage,” saad ni Energy Secretary Sharon Garin.
Ipinaliwanag naman ni DOE Undersecretary Rowena Guevara na hinihikayat ang embedded generation, kung saan ang suplay ng kuryente ay manggagaling mismo sa loob ng AI hub.
“This is what we call embedded generation… You will not need to transmit it from a faraway place if it’s already inside the hub,” aniya.
Nagbabala ang mga analyst na ang malalaking data center ay maaaring magdulot ng dagdag na pressure sa Luzon power grid at posibleng magpataas ng presyo ng kuryente kung walang nakalaang sariling power source o espesyal na tariff.
Binanggit din na nakaranas ang Luzon grid ng ilang grid alert at rotational brownout nitong mga nakaraang buwan dahil sa mataas na demand at kakulangan ng reserbang kuryente.
Ayon kay Michael Ricafort ng RCBC: “Data centers/hyperscalers need a lot of electricity, given the reserves and the need to manage maintenance shutdowns of power plants as seen in recent weeks, amid the need for reliable electricity, water, and other utilities.”
Pinag-aaralan din ang paggamit ng Retail Competition and Open Access (RCOA) at Green Energy Option Program (GEOP) upang makapili ang mga kumpanya ng sarili nilang supplier ng kuryente.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) para magtayo ng dedicated substation na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱6.95 bilyon, na target matapos sa katapusan ng 2028. RNT/MDS