MANILA, Philippines – May basbas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ., ang ginawang pagsusumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax records ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nagbigay na ng otorisasyon si Pangulong Marcos para maisumite ang BIR records ni VP Sara Duterte at Atty Mans Carpio sa Senate impeachment trial court.
“yes,” ang maikling sagot ni Castro nang tanungin kung naaprubahan o nagbigay na ng clearance si Pangulong Marcos sa BIR upang mabuksana ng tax record ng mag-asawang VP Sara at Atty. Mans carpio.
Ang clearance aniya ay ibinigay ng Pangulo alinsunod sa itinakda ng batas.
Nauna rito, kinumpirma ng mga opisyal ng BIR, araw ng Huwebes, Hulyo 30, na nakuha nila ang pag-apruba ni Pangulong Marcos bago ihain ang mga dokumento sa Office of the Clerk of Court bago ang itinakdang alas-9:00 ng umaga na deadline ng impeachment court.
Nauna nang inatasan ng impeachment court si BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na sumunod sa subpoena na humihiling ng tax records ni Duterte kaugnay ng Article II o ang alegasyon ng unexplained wealth sa impeachment complaint.
Kasama rin sa isinumiteng mga dokumento ang tax records ng asawa ni Duterte na si Manases “Mans” Carpio, at ang ilang negosyo na umano’y may kaugnayan sa mag-asawa. (KRIS JOSE)