MANILA, Philippines – Magbubukas sa Agosto 1 ang exit points sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Duty Free warehouses upang mapabilis ang paglabas ng mga kargamento matapos ang ilang buwang pagkaantala ng mga shipment.
Ang hakbang ay napagkasunduan matapos ang serye ng mga pulong na pinangunahan ni NAIA Customs District Collector Maria Yasmin Mapa, alinsunod sa direktiba ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
Ayon sa mga source, nabuo ang kasunduan matapos ang konsultasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Personal na nagtungo sa NAIA si Clark Development Corporation (CDC) President Atty. Agnes Devanadera, kasama ang mga kinatawan ng negosyo mula sa Clark, upang hilingin kina Mapa at PAIR Cargo President Joseph Madrigal na pabilisin ang paglabas ng transshipment cargo na nakalaan para sa Clark Freeport Zone.
Nagtagal ang pagkaantala ng mga shipment dahil sa pagdami ng international cargo at sa pagsasara ng PhilSkylander Cargo building, na gagawing bahagi ng konstruksyon ng NAIA Terminal 4. RNT/MDS