CAVITE, Philippines – Isang foreign national na duguan at nasa bingit ng kamatayan ang natagpuan sa tabi ng sasakyan sa Brgy Iba, Silang, Cavite.
Sa report ng pulisya, isinugod pa ang biktima sa Silang Medical Specialist subalit namatay habang ginagamot.
Ayon sa ulat inaalam naman ang pagkakakilanlan sa umano’y tatlong suspek na tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Base ulat, bandang alas-11:40 ng gabi natagpuan ang duguang katawan ng biktima na nakahiga sa semento sa tabi ng isang kulay itim na Toyota Fortuner na may plakang GAM 9593 kung saan ang kaliwang harapang gulong nito ay nakadausdus sa kanal.
Napag alaman mula sa isang saksi, napansin niya ang mga suspek na sumakay sa isang tricycle at tumakas sa hindi nabatid na direksiyon.
Inaalam pa ng pulisya kung pagmamay-ari ng biktima ang nasabing sasakyan kung saan siya natagpuang at kung may motibo ng pagnanakaw sa nasabing insidente. MARGIE BAUTISTA