MANILA, Philippines – Sinabi ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi malulugi ang mga power distribution utility kahit alisin sa singil ng mga konsyumer ang gastos na dulot ng pagnanakaw ng kuryente, ilegal na koneksyon, at meter tampering.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni ERC Chairperson Francis Saturnino Juan na ang non-technical system losses ay humigit-kumulang 1 hanggang 1.5 porsiyento lamang ng kabuuang system loss ng isang utility.
“It would represent a reduction in their income, but it is small compared with the total system loss,” aniya.
Tinanong ni Senador Erwin Tulfo kung maaaring maapektuhan ang industriya ng kuryente kapag inalis ang naturang singil. Ayon kay Juan, mag-aadjust ang mga utility at mas paiigtingin ang kampanya laban sa pagnanakaw ng kuryente.
“Maaaring mas magiging masigasig sila sa panghuhuli ng mga nagnanakaw ng kuryente,” dagdag niya.
Sumang-ayon si DOE Undersecretary Riolita Inocencio at sinabi niyang ang pagbaba ng pinapayagang system-loss cap ay maaaring magtulak sa mga distribution utility at electric cooperative na maging mas episyente.
Nagbabala naman ang Meralco na mangangailangan ng dagdag na tao, kagamitan, at puhunan ang tuluyang pagpigil sa pagnanakaw ng kuryente.
Ayon kay Meralco representative Jose Ronald Valles, ang system loss ng Meralco noong 2025 ay 4.22 porsiyento, mas mababa sa 5.5-porsiyentong cap ng ERC, at mas mababa sa 1 porsiyento rito ang non-technical losses.
Iginiit ni Tulfo na hindi dapat ipasa muli sa mga konsyumer ang gastos sa pagpigil sa pagnanakaw ng kuryente.
“Problema ninyo iyon. That is your business. Hindi kami part ng Meralco. Kami po ang mga consumer,” aniya.
Nilinaw naman ni Valles na sinasalo na ng mga utility ang system losses na lumalampas sa itinakdang cap, at ang mga nakukuhang halaga mula sa mga kasong may kinalaman sa pagnanakaw ng kuryente ay ibinabalik sa mga konsyumer sa pamamagitan ng pagbaba ng generation charges.
Ipinaliwanag din niya na pare-pareho ang system-loss rate kada kilowatt-hour para sa mga residential customer, ngunit nagkakaiba ang kabuuang singil depende sa dami ng konsumo ng bawat bahay. RNT/MDS