MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na magsisimula ang bahagyang operasyon ng Unified Grand Central Station o Common Station sa unang quarter ng 2028.
Ang proyekto ay mag-uugnay sa MRT-3, MRT-7, LRT-1, at Metro Manila Subway.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, naging posible ang bagong target matapos aprubahan ng Economy and Development (ED) Council ang variation order para sa proyekto, na ipinagpatuloy ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) matapos wakasan ang naunang kontrata.
“Kaka-approve lang po ng ED. Ang nangyari po kasi dito, we terminated the contract. And nung na-terminate po natin ‘yan, nakipag-usap tayo sa LRMC (Light Rail Manila Corporation) if they can continue the project by way of variation order,” aniya.
Dagdag pa niya na inaasahang magkakaroon ng interim operations sa unang bahagi ng 2028 habang tinatapos ang signaling system.
Nakipagtulungan din ang DOTr sa pamunuan ng Trinoma upang magtayo ng covered walkway na magdurugtong sa MRT-3 upang maprotektahan ang mga pasahero laban sa init at ulan.
“Since first quarter of 2028 pa matatapos na ‘yun kasi we’re fixing the signaling, kailangan kasi may signaling ang rail transport po ‘yan. Ang gagawin po namin ngayon is to ensure na ‘pag natapos na po ‘yung North Avenue, MRT-7, at functional na po ‘yan, magagamit ng ating mga commuters ‘yung concourse at platform,” ayon kay Lopez.
Target naman ng DOTr na ganap na makumpleto ang Common Station sa 2030.
Ilang beses nang naantala ang target na pagbubukas ng proyekto. Noong 2017, target itong buksan sa 2019; noong 2019, inilipat ito sa 2022; at muling naantala dahil sa pandemya ng COVID-19 at iba pang teknikal na isyu.
Noong 2025, winakasan ng DOTr ang kontrata ng dating contractor dahil sa malalaking pagkaantala at pagtigil ng konstruksyon. RNT/MDS