Home NATIONWIDE Maaliwalas na panahon sa Luzon asahan ngayong Biyernes — PAGASA

Maaliwalas na panahon sa Luzon asahan ngayong Biyernes — PAGASA

2
0

MANILA, Philippines — Maaliwalas na panahon ang inaasahan sa malaking bahagi ng Luzon sa Biyernes matapos tuluyang malusaw ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni PAGASA weather specialist John Manalo na nalusaw ang LPA alas-8 ng umaga nitong Huwebes matapos magdala ng mga pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon nitong mga nakaraang araw.

“Sa Luzon, patuloy na makakaranas ng maaliwalas na kalangitan. Bawas na yung kaulapan pero posible pa rin naman yung localized thunderstorms,” ani Manalo sa 5 p.m. weather update ng PAGASA.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan naman na may mababang posibilidad ng pag-ulan ang mararanasan sa Palawan.

Samantala, posibleng maging maulap ang silangang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa trough o extension ng isa pang LPA sa labas ng PAR.

Nananatiling stationary ang nasabing sama ng panahon at huling namataan 1,445 kilometro sa silangan ng Eastern Visayas alas-3 ng hapon. Inaasahan itong malulusaw sa weekend.

Sa hiwalay na advisory, sinabi ng PAGASA na “unlikely” o maliit ang posibilidad na maging tropical depression ang LPA sa loob ng susunod na 24 oras.

Inaasahang maglalaro ang temperatura sa 25°C hanggang 33°C sa Metro Manila, 25°C hanggang 32°C sa Laoag, 18°C hanggang 23°C sa Baguio, 21°C hanggang 29°C sa Tagaytay, 25°C hanggang 34°C sa Tuguegarao, at 24°C hanggang 33°C sa Legazpi.

Posible namang umabot sa 26°C hanggang 32°C ang temperatura sa Kalayaan Islands, 25°C hanggang 32°C sa Puerto Princesa, 26°C hanggang 33°C sa Cebu, 24°C hanggang 32°C sa Iloilo, 25°C hanggang 32°C sa Tacloban, 24°C hanggang 32°C sa Cagayan de Oro, 24°C hanggang 32°C sa Davao, at 24°C hanggang 32°C sa Zamboanga.

Tinataya rin ng PAGASA na dalawa hanggang apat na tropical cyclone ang maaaring pumasok o mabuo sa loob ng PAR ngayong Agosto, batay sa historical data at seasonal forecast ng ahensya.

“Hindi ibig sabihin na 100% na four lang, posibleng lumagpas pero yung number na binibigay natin na number ng bagyo in a given month ay based sa historical data at sa seasonal forecast. Ito yung most probable na bagyong papasok sa PAR o mamumuo sa susunod na buwan,” paliwanag ni Manalo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here