Home OPINION 2.4M PINOY-OFW SA ME LINGUNIN

2.4M PINOY-OFW SA ME LINGUNIN

7
0

DAPAT muli nating balikan o lingunin ang hindi magandang kalagayan ng mga Pinoy, karamihan overseas Filipino workers, sa Middle East o Gitnang Silangan.

Muling sumiklab ang digmaan dito at lumawak pa na ikinadadamay ng karamihan ng 2.4 milyong Pinoy sa rehiyon.

Bukod sa labanang United States-Israel laban sa Iran at Saudi Arabia laban sa Houthi sa Yemen, nagsama na ang mga pwersa ng US at Saudi sa pag-atake sa Iraq at anomang oras, mismo sa Iran.

May inatake na ring oil tanker ng mga Amerikano malapit sa Suez Canal at kasabay ng South Yemen ang Saudi Arabia sa pag-atake sa mga Houhi na may kontrol sa North Yemen.

Mini-missile din ngayon muli nang direkta ng Iran ang Israel habang sumiklab na rin ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Iran makaraang pasabugin ng Ukraine ang barkong Iran sa Caspian Sea.

Sa Black Sea, nag-aatakehan ang Russia at Ukraine sa kani-kanilang mga barkong pandigma at komersyal, pag-aari man o konektado sa Russia at Ukraine.

At sa Red Sea at Bab akl-Mandab Strait at Persian Gulf at Strait of Hormuz, naririyan na rin ang mga labanan.

Kaya naman, bukod sa mga land-based na mga Pinoy, libo-libo ring sea-based o seaman ang nadadamay sa giyera.

PAGKILOS NG GOBYERNO, SAPAT BA?

Alam natin, walang tulugang kumikilos ang Departments of Foreign Affairs at Migrant Workers at ang Overseas Workers Welfare Administration para ayudahan at proteksyunan ang mga Pinoy sa nasabing mga lugar at barko.

Ngunit sapat ba ang ayuda at proteksyon na ipinagkakaloob sa mga ito?

Ang isang malinaw, may mahigit nang 10,000 napauwi at tinulungan ang gobyerno.

Ngunit nasa 2.4 milyong Pinoy ang pinag-uusapan na nanganganib ang buhay, kalusugan, hanapbuhay at iba pa.

Isa pa, hindi dapat pitsi-pitsi at pansamantala lang ang mga dapat na aksyon ng pamahalaan kundi pangmatagalan at makataong kalagayan.

Kabilang sa mga pangunahing paghandaan dapat ang posibleng maramihang paglilikas sa mga lumiliyab sa giyera.

Nasaan ang mga sapat na pondo, tauhan, gamit at pasilidad na nakahanda para rito?

Napakalaki ang kontribusyon ng 2.4M Pinoy na naroroon sa lugar sa ekonomiya ng Pinas, maging sa bulsa ng pamahalaan.

Nararapat lang ang buo na paglingap sa kanila sa oras ng kagipitan at pangangailangan.

Dapat isama rin sa programa ang higit pang marami na pamilya-OFW na nabubuhay sa remittances ng nasabing milyon-milyong Pinoy-OFW.

KAPIT-TUKO SA PWESTO AT AGAWAN SA KAPANGYARIHAN

Kung pag-aaralan ang mga nagaganap ngayon, lumilitaw na pagkapit-tuko sa pwesto at agawan sa kapangyarihan ang inuuna ng pamahalaan, kasama ang mga kritiko nito.

Sa mga kapit-tuko, naririyan ang trilyones na pisong kanilang ninanakaw mula sa kaban ng bayan, at nadadamay maging ang remittances ng mga OFW.

At ayaw nilang pakawalan ang kanilang kapangyarihan na gawin ang pagnanakaw sa pamamagitan ng pagdurog sa kanilang mga kritiko na gusto ring pumwesto, lalo na sa pinakamatataas na posisyon sa pamahalaan.

Kung ikukumpara ang nakalaan sa pag-ayuda at pagliligtas sa panganib sa mga Pinoy-OFW at ninanakaw ng mga korap na pondong bayan, nakatitiyak tayong katiting lang ang para sa una.

Mahiya naman kayo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here