Home HOME BANNER STORY Pagpapatupad ng P85 wage hike sa NCR, ipinatigil ng Korte sa Pasig

Pagpapatupad ng P85 wage hike sa NCR, ipinatigil ng Korte sa Pasig

3
0

MANILA, Philippines — Pansamantalang pinatigil ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 ang pagpapatupad ng P85 minimum wage increase sa Metro Manila matapos kuwestiyunin ng dalawang construction company kung wastong isinaalang-alang ang kakayahan ng mga employer na magbayad.

Naglabas ang korte ng temporary restraining order na may bisa hanggang Agosto 13 at inatasan ang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders Inc. na maglagak ng P1-milyong bond bilang “reasonable security for damages” sakaling ibasura ang kanilang petisyon.

Itinakda naman sa Agosto 3 ang pagdinig sa kahilingan ng mga kumpanya para sa writ of preliminary injunction.

Naghain ang dalawang kumpanya ng petition for declaratory relief upang linawin ang kanilang mga karapatan at obligasyon sa ilalim ng NCR Wage Order No. 27, na nagtatakda ng P85 dagdag-sahod sa dalawang yugto.

Ang unang P60 na dagdag-sahod ay ipinatupad noong Hulyo 25, habang nakatakdang ibigay ang natitirang P25 sa Enero 20, 2027.

Iginiit ng Readycon at R-II Builders na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region ang wage order “without due regard to the standards required by Article 124 of the Labor Code.”

Sa ilalim ng Article 124, kabilang sa mga dapat isaalang-alang sa pagtatakda ng minimum wage ang “fair return of the capital invested and capacity to pay of employers.”

Ayon sa mga kumpanya, hindi sapat na isinaalang-alang sa wage increase ang pagtaas ng presyo ng langis at ng gastos sa transportasyon, logistics at produksyon dulot ng sigalot sa Middle East.

Binanggit din nila ang “measurable operating losses,” “diminished margins,” “elevated input costs,” “subdued consumer demand” at “tightened credit conditions.”

Sinabi ng Readycon na 23.59 porsiyento ng kanilang mga manggagawa ay tumatanggap ng minimum wage. Tumaas din umano ang kanilang gastos sa sahod sa P96.5 milyon noong 2025 mula P90.26 milyon noong 2024.

Iginiit din ng mga kumpanya na ang P85 increase, na pinakamalaking arawang dagdag-sahod na ipinagkaloob sa Metro Manila, ay “departs sharply from two decades of regulatory practice,” kung saan karaniwang nasa P10 hanggang P25 lamang ang mga nakaraang wage adjustment.

“This petition presents a question of legal construction rather than one of economic policy,” ayon sa mga kumpanya.

“The question is whether Article 124 of the Labor Code, properly construed, permits the implementation of NCR Wage Order No. 27 under the circumstances alleged herein.”

Sinabi naman ni Labor Secretary Francis Tolentino na siya ay “saddened” sa desisyon ng korte, ngunit tiniyak na lubos na iginagalang ng Department of Labor and Employment ang proseso ng hudikatura. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here