MANILA, Philippines — Inireklamo ng ilang residente ang Fusion Alley, isang popular na street food market sa Maynila, dahil sa umano’y mabahong amoy, ingay at kalat sa lugar.
Binubuo ang pamilihan ng dose-dosenang street vendor at maliliit na negosyo, kabilang ang ilan na dating nagtitinda sa Ugbo sa Tondo, isa pang food bazaar na kalauna’y nagsara.
Bagama’t dinarayo ng mga estudyante at food enthusiast ang Fusion Alley, sinabi ng mga residente na naaapektuhan nito ang kanilang komunidad. Ayon sa isang residenteng tumangging magpakilala, may mga paglilinis namang ginagawa ngunit nagbago umano ang amoy sa kanilang lugar.
Sinabi ng mga vendor na ginagawa nila ang kanilang makakaya upang panatilihing malinis ang mga puwesto, habang tumutulong din ang mga tauhan ng pamahalaang lungsod sa paglilinis.
Itinanggi naman ni Manila Mayor Isko Moreno na marumi ang Fusion Alley at sinabing regular na nililinis ang lugar.
Nakipagpulong din si Moreno sa mga nagrereklamong residente at mga vendor upang humanap ng kompromiso. Inatasan niya ang mga nagtitinda na panatilihing malinis ang paligid at huwag maging abala sa komunidad.
“Malinaw ang aking bilin: kapag nakita kong marumi ang paligid ay kaagad ko silang ipapasara,” babala ni Moreno sa isang Facebook post.
Umaasa naman ang mga vendor na hindi ipasasara ang Fusion Alley o mabibigyan sila ng pamahalaang lungsod ng mas permanenteng lugar na mapagtitindahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden