MANILA, Philippines — Nagbabala ang mga environmental at science group na maaaring magdulot ng matinding pressure sa suplay ng tubig at kuryente sa Central Luzon ang planong Pax Silica Hub sa New Clark City.
Ayon sa mga grupo, hindi ang teknolohiya mismo ang kanilang pangunahing tinututulan kundi ang napakalaking konsumo sa tubig at kuryente ng artificial intelligence systems at hyperscale data centers na patuloy na nagpapatakbo at nagpapalamig sa libo-libong high-performance server.
Sasaklaw ang planong hub sa mahigit 1,600 ektarya sa New Clark City at bahagi ito ng United States-led Pax Silica Initiative na nakatuon sa artificial intelligence, semiconductors, hyperscale data centers at critical minerals.
Sinabi ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na gagamit ang proyekto ng surface water at water impounding technologies na may kakayahang magsuplay ng 65 milyon hanggang 90 milyong litro ng tubig kada araw o higit pa.
Tiniyak ng BCDA na hindi kukuha ang hub mula sa community water supplies, ngunit kinuwestiyon ni Cathleen De Guzman ng Kalikasan People’s Network kung magiging sapat ang rainwater harvesting.
“Patuloy nilang sinasabi na hindi sila gagamit ng community water. Kung hindi gagamitin yung community water at kung yung rainwater harvesting lang, sasapat ba talaga yun sa pangangailangan ng AI Hub? Malamang sa malamang yung kukunin niyang tubig ay yung surface water na magmumula sa mga ilog, magmumula doon sa mga dam na direct ang pinagkukunan ng mamamayan ng Central Luzon para sa kanilang tubig.”
Nagbabala ang grupo na kahit hindi direktang kumuha mula sa lokal na water distribution system, maaari pa ring makipag-agawan ang proyekto sa tubig mula sa mga ilog at dam na pinagkukunan ng mga komunidad, lalo na kapag may tagtuyot at bumababa ang lebel ng tubig.
Kinukuwestiyon din ng mga grupo kung saan manggagaling ang malaking pangangailangan ng proyekto sa kuryente.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na maaaring magtayo ang mga developer ng sariling power plant o kumuha ng hiwalay na generation facility upang hindi maapektuhan ang mga consumer sa labas ng hub.
“It could be yung they build their own power plant, or another way is that they can get somebody to build a power plant especially for them. What we want to avoid is kahit meron kang Pax Silica or ano mang data center, ang laki laki ng demand, we don’t want na affected yung consumers outside Pax Silica, whether household or business,” ani Garin.
Gayunman, iginiit ng mga kritiko na mahalaga ring malaman kung anong uri ng enerhiya ang gagamitin dahil maaaring tumaas ang greenhouse gas emissions kung manggagaling ito sa fossil fuels.
Kinuwestiyon din ng science advocacy group na AGHAM ang sinasabing libo-libong trabahong malilikha ng proyekto.
Ayon sa grupo, posibleng karamihan sa mga trabahong ito ay pansamantala lamang sa panahon ng konstruksyon. Binanggit nito na ang malalaking hyperscale data center sa North America ay karaniwang kumukuha lamang ng daan-daang permanenteng empleyado kapag nagsimula na ang operasyon.
Nanawagan ang mga grupo sa pamahalaan na timbangin ang pangmatagalang benepisyong pang-ekonomiya ng proyekto laban sa posibleng epekto nito sa kapaligiran, tubig, kuryente at mga komunidad.
Naghain na rin ang ilang mambabatas ng resolusyon upang imbestigahan sa Kongreso ang pagmamay-ari, operasyon at kontrol sa Pax Silica, kasama ang epekto nito sa national security, cybersecurity, kapaligiran at sustainability.
Sinabi naman ng Malacañang na maaari pang amyendahan ang ilang probisyon ng proyekto upang mapangalagaan ang interes ng mga Pilipino, ng bansa at ng mga katuwang nito. Dave Baluyot