Home NATIONWIDE France nakahandang palalimin defense, nuclear cooperation sa Pilipinas

France nakahandang palalimin defense, nuclear cooperation sa Pilipinas

1
0

MANILA, Philippines — Handa ang France na palalimin ang pakikipagtulungan sa Pilipinas sa depensa at ibahagi ang karanasan nito sa nuclear energy habang pinagtitibay ng administrasyong Marcos ang pagprotekta sa teritoryo ng bansa at pinag-aaralan ang paggamit ng nuclear power, ayon kay outgoing French Ambassador Marie Fontanel.

Ginawa ni Fontanel ang pahayag bago ang kaniyang pag-alis sa Pilipinas, ilang araw matapos bigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address ang depensa ng teritoryo at pag-aaral sa nuclear energy.

Lalong lumawak ang defense relations ng dalawang bansa matapos lagdaan sa Paris noong Marso ang Status of Visiting Forces Agreement, na nagbibigay ng balangkas para sa operasyon ng mga tauhang militar ng Pilipinas at France sa teritoryo ng bawat isa.

Nagpahayag din si Fontanel ng pagkabahala sa dumaraming insidenteng kinasasangkutan ng mga barko at mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

“Unfortunately, it has also increased, of these incidents towards the Filipino vessels, fishermen, and that’s growing. That’s a growing trend. We are monitoring the situation. We are constantly calling for international law, in particular international law of the sea,” ani Fontanel.

Sinabi niyang nakabatay ang estratehiya ng France sa rehiyon sa rules-based international order at freedom of navigation.

Nang tanungin kung paano makatutulong ang France sa pagpapalakas ng kakayahang pandepensa ng Pilipinas, sinabi ni Fontanel na ang pamahalaan ng Pilipinas ang dapat magtakda ng sarili nitong prayoridad.

“It’s not up to me to say what a sovereign country would need. It’s a question of sovereignty, and we precisely value a lot our own sovereignty, our own independence,” aniya.

Ayon kay Fontanel, patuloy na magsasalita ang France laban sa mga paglabag sa international law at maaaring suportahan ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagbili ng defense equipment. Nagsimula ang mga pag-uusap hinggil sa military capabilities nang bumisita sa Pilipinas ang French defense minister noong Disyembre 2023 upang unti-unting paunlarin ang “strategic and operational intimacy between the armed forces.”

“The moment the government is ready for some acquisitions, our industry is ready to provide. But probably in the future, that could be the next step, to see more acquisitions for the Philippine armed forces because we know very well that capabilities is deterrence,” ani Fontanel.

Handa rin umano ang France na tulungan ang Pilipinas sa paglinang ng nuclear energy. Sinabi ni Fontanel na tinatalakay na ang kooperasyon mula pa noong simula ng kaniyang panunungkulan, kabilang ang isang energy forum ng Department of Energy na dinaluhan ng mga French nuclear company at ahensya.

Binigyang-diin niyang hindi lamang kompanyang magtatayo o magpapatakbo ng planta ang kailangan sa nuclear program, kundi matibay ding mga sistemang siyentipiko, regulatory, safety at waste management.

“You don’t develop any nuclear program if you don’t rely on science, scientists who can really help frame the safety,” ani Fontanel. “So it’s not only the provider, it’s also the safety first.”

“It cannot work if it’s not secured by the whole regulation, legislation, and organization of the safety aspects,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Fontanel na naglaan ang gobyerno ng France ng posibilidad ng grant para sa French national energy company na EDF upang ibahagi sa Pilipinas ang expertise nito sa nuclear energy security.

“And we have already secured the possibility of a grant of the French government to the EDF, the French national company to come and share expertise on energy security coming from this experience of nuclear with the Philippines,” aniya.

Sa usaping pang-ekonomiya, nagpahayag si Fontanel ng pag-asang matatapos na ang negosasyon para sa free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at European Union. Maaari umano itong magpalawak ng market access, partikular sa agrikultura, at makahikayat ng mas maraming kumpanyang French sa Pilipinas.

“To have a free trade agreement would be a game changer for both the European Union and the member states, France being part of it, and the Philippines,” aniya.

Nang tanungin tungkol sa posibleng koordinasyon ng mga pamahalaan kaugnay ng puganteng dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, sinabi ni Fontanel na wala siyang impormasyong maibibigay. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here