Home NATIONWIDE DOTr, naglatag ng ‘take it or leave it’ na kondisyon sa Villar...

DOTr, naglatag ng ‘take it or leave it’ na kondisyon sa Villar Group sa LRT 1 Cavite Ext

3
0

MANILA, Philippines — Maghahain ang Department of Transportation (DOTr) ng mga hindi na maaaring tawaran na kondisyon sa Villar Group of Companies sa susunod na linggo kaugnay ng donasyon ng lupang kailangan para sa Las Piñas station ng Light Rail Transit Line 1 Cavite Extension Project.

Sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na kabilang sa tatlong kondisyon ang walang-pasubaling pahintulot na makapasok ang gobyerno sa ari-arian, paglalagay sa deed of donation na ligtas ang pamahalaan sa anumang pananagutan at walang subrogation, at pagkakansela ng mortgage sa lupang ido-donate.

“It’s a take it or leave it offer. Ang take it or leave it [terms] is that they have to decide. Kaya sinasabi ko na po ito ngayon, para next week kapag natuloy na ‘yung meeting namin, they can either decide na or ayaw nila,” sinabi ni Lopez sa panayam sa radyo noong Huwebes.

Kailangan ng DOTr ang 8,389 metro kuwadradong lupa para maitayo ang Las Piñas at Zapote stations. Sa bilang na ito, humigit-kumulang 4,990 metro kuwadrado para sa Las Piñas station ang inaasahang ido-donate ng Villar Group.

Gayunman, dalawa sa anim na parsela ng lupang nakatakdang ibigay ang may encumbrance. Ang isang lote na may lawak na tinatayang 2,000 hanggang 3,000 metro kuwadrado ay nakasangla sa Chinabank, habang kailangan naman ang isa pang 90 metro kuwadradong lupa para sa isang viaduct.

“May isa po ‘yung sinasabi nating malaki na naka-sanla, more or less 2,000 or 3,000 [square meters] ‘yung kailangan natin dun sa Chinabank. At ‘yung isa po ‘yung hiningi namin by way of donation; ang kailangan natin is 90 square meters for a viaduct,” paliwanag ni Lopez.

Hiniling din ni Lopez sa Villar Group na isumite ang mga kinakailangang dokumento bilang patunay na tapat ang layunin nitong mag-donate ng lupa.

“Sabi nila they’re going to donate it. Ang sabi namin ibigay niyo na yung mga papeles para makita namin kung good faith talaga yung pagbigay niyo sa gobyerno,” aniya.

Kapag hindi tinanggap ng Villar Group ang mga kondisyon, sinabi ni Lopez na lalaktawan muna ng DOTr ang Las Piñas at itutuloy ang konstruksyon patungo sa Zapote at Niog stations sa Bacoor.

“Kapag hindi ‘ho pumayag ang Villar group of companies, ipapatuloy ko po ‘yung construction all the way to Zapote at saka Niog. Iiwanan ko po ang Las Piñas, saka na lang ‘yan. Kasi it would be unfair to the community of Zapote and Bacoor to be held hostage by the issue on Las Piñas,” diin ni Lopez. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here