ILOILO CITY — Arestado ang isang 29-anyos na lalaki sa Mandurriao, Iloilo City dahil sa umano’y pagrekord at pagbebenta online ng mga sexual video na sangkot ang mga menor de edad.
Dinakip ang suspek sa isang boarding house matapos ang isang taong pagmamanman at sa bisa ng warrant na inilabas kasunod ng paghingi ng tulong ng tatlong menor de edad na complainant.
Ayon sa Regional Anti-Cybercrime Unit-6 (RACU-6), nagpupunta umano ang suspek sa mga bar upang maghanap ng mga menor de edad na babae at alukin ng pera kapalit ng pakikipagtalik.
Dinadala umano niya ang mga ito sa kanyang boarding house, kung saan lihim niyang ina-upload at ibinebenta sa isang adult website ang mga video ng kanilang pagtatalik nang walang kaalaman ng mga biktima.
Ang suspek, na residente ng Iloilo City at walang permanenteng trabaho, ay iniulat na nagpapalit ng boarding house kada dalawang buwan.
Binigyang-diin ng RACU-6 na ilegal pa rin ang pagkuha ng naturang mga video kahit may pahintulot umano ang mga babae dahil menor de edad ang mga ito.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children law at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials law. Mary Anne Sapico