Home NATIONWIDE SB19 pinuri ni Bam sa makasaysayang performance sa Lollapalooza Music Festival

SB19 pinuri ni Bam sa makasaysayang performance sa Lollapalooza Music Festival

3
0

MANILA, Philippines – Naghain si Senador Bam Aquino ng isang resolusyon na nagbibigay-pugay sa P-pop sensation na SB19 kasunod ng makasaysayan nitong pagtatanghal sa Lollapalooza Music Festival, na tumatak bilang kauna-unahang grupong Pilipino na nagtanghal sa isa sa pinakamalalaki at pinakaprestihiyosong taunang music festival sa buong mundo.

Sa kanyang Senate Resolution No. 545, pinuri ni Aquino ang SB19 matapos ang pagtatanghal nito sa isa sa mga pinakaprestihiyosong music festival sa mundo noong Hulyo 30, 2026, sa Grant Park sa Chicago, Illinois.

Tampok sa nasabing music festival ang iba’t ibang sikat na artist at dinadagsa ng mahigit 400,000 katao sa loob ng apat na araw, dahilan upang ituring ito bilang isa sa pinakaprestihiyosong entablado sa industriya ng musika sa mundo.

Kilala bilang “Kings of P-pop,” ang SB19 ay binubuo nina John Paulo Nase (Pablo), Josh Cullen Santos (Josh), Stellvester Ajero (Stell), Felip Jhon Suson (Ken), at Justin De Dios (Justin). Sumikat ang grupo sa kanilang hit songs na “Gento,” “Go Up,” “Bazinga,” “Dungka,” at “Visa.”

“SB19’s performance at Lollapalooza marked a significant milestone for Filipino artists, demonstrating the growing international recognition of Original Pilipino Music (OPM) and expanding the presence of Philippine music on one of the world’s foremost festival stages,” ani Aquino.

Habang nasa Chicago, itinampok din ang SB19 sa isang laro ng Major League Baseball sa pagitan ng Chicago White Sox at New York Yankees, kung saan si Josh ang naghagis ng ceremonial first pitch habang pinatugtog naman sa stadium ang hit song ng grupo na “Gento.”

Kinilala rin ni Aquino ang mga kahanga-hangang tagumpay ng grupo, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa pandaigdigang industriya ng musika, kung saan patuloy nitong ipinapakita ang husay ng talento at musikang Pilipino.

“Through their artistry, professionalism, and unwavering pride in their Filipino identity, SB19 has become an inspiring example of how Filipino artists can serve as cultural ambassadors, promoting Philippine culture and fostering greater appreciation for the Philippines among audiences around the world,” diin ni Aquino.

Noong Enero 2022, ang SB19 ang naging kauna-unahang Filipino act na nanguna sa isang Billboard chart nang umabot sa No. 1 ang kanilang awiting “Bazinga” sa Billboard Hot Trending Songs chart sa pitong sunod na linggo.

Noong Marso 2025, nagtala muli ng panibagong kasaysayan ang SB19 para sa isang awiting Pilipino nang mag-debut sa No. 1 ang kanilang single na “DAM” sa Billboard World Digital Song Sales chart.

Matapos ang kanilang pagtatanghal sa Chicago, isa ang SB19 sa unang Filipino groups na magtatanghal sa Summer Sonic 2026, isa sa pinakamalaki at pinakaprestihiyosong music festivals sa Asya, na gaganapin sa Agosto 15, 2026 sa Osaka at Agosto 16, 2026 sa Tokyo, Japan.

Noong Hulyo 20, 2026, itinalaga ng Department of Tourism (DOT) ang SB19 bilang Tourism Ambassadors ng Pilipinas bilang pagkilala sa kanilang impluwensya, pagmamahal sa bayan, at mahalagang ambag sa pagsusulong ng turismo, kultura, at pambansang pagkakakilanlan ng Pilipinas sa harap ng pandaigdigang komunidad.

Bilang kilalang tagasuporta ng talento ng mga Pilipino, naghain kamakailan si Aquino ng Senate Resolution No. 370 na nagbibigay-pugay sa Nation’s Girl Group na BINI para sa makasaysayan nitong pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival, kung saan sila ang naging kauna-unahang all-Filipino group na nagtanghal sa kinikilalang music festival sa Indio, California.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, isa sa five-point legislative agenda ni Aquino ang pagsusulong ng mga hakbang na magpapalakas sa creative economy ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga artist, creators, filmmakers, designers, at iba pang creative professionals na Pilipino sa pandaigdigang merkado.

Kabilang sa kanyang mga plano ang pagtatatag ng isang ahensya ng pamahalaan na tututok sa pagsuporta at pagsusulong ng creative industries ng bansa, na kahalintulad ng Korea Creative Content Agency (KOCCA) ng South Korea. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here