MANILA, Philippines – Lantarang inupakan ni Senador Panfilo Lacson ang kapwa mambabatas hinggil sa manipulasyon ng flood control projects sa Taguig Citu sa pagsasabing kontrolado ni Minority Leader Alan Peter Cayetano ang sistema sa lungsod.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na halos kontrolado ni Cayetano ang operasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kabilang ng ilang proseso sa Taguig City.
Aniya, hindi makakilos ang district engineer sa Taguig— o manatili man sa kanilang puwesto — kung gumalaw sila nang wala siyang pag-apruba.
“Ang kalakaran sa Taguig virtually controlled ng isang tao. Walang makakagalaw doon na hindi alam ni Cayetano. Yan ang kalakaran,” aniya sa mga panayam.
Diin ni Lacson, nabuo ng kanyang grupo ang isang “ecosystem” sa Taguig kung saan nakatalaga na umano nang maaga ang mga proyektong pang-imprastraktura sa mga paboritong contractor, habang inaasahang susunod ang mga district engineer sa utos ng pinagkakatiwalaang tauhan ni Cayetano.
Aniya, sa tulong ng mga impormante, nabuo na nila ang money trail, natukoy ang daloy ng mga kickback mula sa mga proyektong pang-imprastraktura, at sinimulan na rin nilang isumite sa Ombudsman ang mga ebidensiyang kanilang nakalap.
“Ilang palit na ang district engineers diyan. Halimbawa kapag sinamahan sa kanya ang bagong appointed district engineer, meron na siyang warning: Huwag mong pakialaman ang mga project dito. Pag hindi sumunod, totoo napapalitan. Ang isang DE, sinabihan ang pinalitan mo pinatanggal ko kasi di marunong sumunod,” ani Lacson.
“Sabi niya walang flood control anomaly or ghost projects. Bahala siya, yan ang kanyang claim. Pero records and documents say otherwise,” dagdag niya.
Binanggit din ni Lacson na ganoon na kalala ang katiwalian sa Taguig City Hall na may hindi bababa sa isang empleyado na kayang magkaroon ng net loss na P510 milyon sa sugal mula 2014 hanggang 2026.
Ayon pa sa kanya, nagkaroon pa umano ito ng bodyguard.
“Kung ang isang employee ng city hall sa 14 taon nakapagpatalo ng P510M paano na ang principal?” aniya.
Kickback at Anomalya
Sinabi ni Lacson na ipinakikita ng mga ebidensiyang nakalap ng kanyang grupo ang isang 33-porsiyentong sistema ng kickback sa mga proyektong pang-imprastraktura sa Taguig, kabilang ang:
10% para sa “principal”;2% para sa “boys”; at6% para sa Bids and Awards Committee (BAC), kabilang ang tig-3% para sa mga miyembro ng BAC at sa mga contractor na lumahok sa bidding.
Bukod sa kabuuang 18 porsiyentong ito, sinabi ni Lacson na ayon sa testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noon, may hiwalay pang 15 porsiyento na napupunta kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na kasalukuyang nahaharap sa kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.
“That’s why nag-resort sila sa overlapping and ghost, or substandard. Saan babawi ang kontratista kung ganyan kalaki ang nawala sa lagayan?” ani Lacson.
“And they are at the mercy – sa Taguig pagbagsak ng funds, predetermined na sino ang contractor, dinidikta na,” dagdag niya.
Inulit ni Lacson na batay sa hindi bababa sa limang case studies na natapos na ng kanyang grupo, kabilang sa mga natuklasang anomalya ang:
1. Paulit-ulit na paggamit ng iisang larawan para sa billing at koleksiyon, kung saan binago lamang ang mga petsa at ilang detalye ngunit nanatiling pareho ang DPWH geotagging data;
2. Dobleng appropriation para sa iisang proyekto; atMagkakapatong na saklaw ng mga slope protection project, kabilang ang mga proyekto sa kahabaan ng Taguig River, na maaaring nagdulot ng pagkalugi sa pamahalaan ng daan-daang milyong piso.
Ani Lacson, kabilang sa mga contractor sa mga proyekto sa Taguig ay sa pagmamay-ari ng mga Discaya; Topnotch Catalyst Builders ni Eumir Villanueva; Core Check; Tuchar at Dahl.
Sinabi ni Lacson na inaasahan nilang madaragdagan pa ang kanilang mga natuklasan matapos siyang tawagan ni DPWH Secretary Vince Dizon at tiyakin ang buong suporta ng departamento sa pagkuha ng ilang dokumento at iba pang ebidensiya.
Samantala, sinabi ni Lacson na hindi magtatapos sa Taguig ang kanilang imbestigasyon. “To satisfy him, no. To satisfy the public, yes,” aniya, bilang tugon sa panawagan ni Cayetano na magsagawa rin ng imbestigasyon sa ibang lugar.
Aniya, may aral ding dapat makuha si Cayetano sa kaguluhang siya mismo ang lumikha.
“Kung ikaw, maraming issue sa katawan, huwag ka magbabato. Yan isang lesson diyan babalik sa iyo ang binabato mo,” aniya. Ernie Reyes