Home NATIONWIDE Bagong DOH Chief, bubuo ng “Council of Elders” para sa pagresolba ng...

Bagong DOH Chief, bubuo ng “Council of Elders” para sa pagresolba ng problema ng ahensya

3
0

MANILA, Philippines – Plano ni bagong Health Secretary Jose Pujalte Jr. na bumuo ng isang “council of elders” na binubuo ng mga dating kalihim ng Department of Health (DOH) upang tumulong sa pagresolba ng mga matagal nang problema ng ahensya.

“Matagal ko nang naiisip ‘yon sapagkat napakarami at napakalalim ng problema ng DOH,” ayon kay Puljante.

Balak niyang anyayahan sina Rep. Janette Garin, Esperanza Cabral, at Dr. Jimmy Galvez Tan, at iba pang dating DOH secretaries bilang mga tagapayo.

“Ang balak ko talaga ay ipresenta sa kanila ang mga problema ng DOH, at ano ang kanilang mga suggestions o mga solusyon na maaari naming ilapat sa DOH,” aniya.

Sinabi ni Pujalte na ipagpapatuloy at paiigtingin niya ang mga programang pangkalusugan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang zero-balance billing, preventive healthcare, at pagbabawas ng out-of-pocket expenses ng mga pasyente.

Ang pangunahing programa niya ay “Pasyente Muna.”

“Sabi nga ng mga Amerikano, ‘If it ain’t broke, don’t fix it.’ Kaya ang kasunod nito ay paigtingin pa natin ‘yung programa na tumutulong sa taumbayan,” aniya.

Plano rin niyang palawakin ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) sa mas maraming ospital, kabilang ang mga pinapatakbo ng lokal na pamahalaan.

“Asahan natin na ang ating PhilHealth ay babayaran ang mga dapat bayaran,” dagdag pa niya.

Palalawakin din ang screening services ng YAKAP program upang maisama ang pagsusuri para sa sakit sa bato, thyroid, at atay.

“Prevention is better than cure,” saad pa niya.

Binigyang-diin din niya na dapat unahin ang kapakanan ng mga pasyente.

“Naiintindihan ko sila, pero ibabato ko sa kanila na pasyente muna bago ang mga rights o mga hiling ng mga health workers,” aniya.

Plano rin niyang bigyan ng mas malaking papel ang mga regional directors at program heads sa pagpapaliwanag ng mga lokal na isyung pangkalusugan.

“Hindi natin sila bubusalan at bibigyan natin sila ng pagkakataon na magsalita para sa Department of Health,” sabi niya.

Nagpaalala rin si Pujalte na walang agarang solusyon sa mga problema ng DOH.

“Unti-unti nating sinusuri at pinag-aaralan ang problema ng DOH… wala pong instant solution,” aniya.

“I call this a work in progress. Dahan-dahan po nating pagagalingin ang serbisyo ng DOH para ramdam ng tao sa buong Pilipinas,” dagdag pa niya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here