MANILA, Philippines – Nagbabala si Executive Secretary Ralph Recto na gagawa ng legal na hakbang ang gobyerno laban sa mga scammers na nagpapakilalang taga -Office of the Executive Secretary at nanghihingi ng pera kapalit ng di umano’y mabilis na paglalabas ng pondo para sa Local Government Support at Socio-Civic Projects Fund.
Ani Recto, hindi sila mag-aatubiling magsampa ng kaukulang kasong legal laban sa sinumang mapatutunayang sangkot sa mga mapanlinlang na gawain.
Nakarating din sa kaalaman ni Recto ang ulat na ilegal at mapanlinlang na gawain ang pagpapatawag ng mga pekeng pagpupulong o pagtitipon at pagbibigay ng huwad na pangako ng appointment.
Malinaw aniyang pagpapanggap bilang opisyal o awtorisadong kinatawan ng LGSF at Socio-Civic Projects Fund program at iba pa.
Kaya ang paalala ni Recto sa publiko, maging mapagmatyag at tiyaking beripikado ang anumang impormasyon sa pamamagitan lamang ng kani- kanilang Local Chief Executive o ng lehitimong opisyal ng OES. (KRIS JOSE)