ISABELA, Philippines – Sumailalim sa drug test si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio sa St. Luke’s Medical Center–Quezon City nitong Miyerkules, kasunod ng panawagan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Batay sa dokumentong inilabas ni Respicio, nagbayad siya ng P28,011 cash para sa drug-abuse screening sa naturang ospital.
Nauna nang sinabi ni Remulla na nais niyang sumailalim sa drug test si Respicio matapos ang mainitang insidente sa isang sesyon ng Sangguniang Bayan.
“Ipapa-drug test ko muna, parang wala sa sarili,” ani Remulla sa isang ambush interview nitong Miyerkules.
Sinabi ni Remulla na hahawakan ng mga opisyal ng lalawigan ang usapin kay Respicio, ngunit iminungkahi niyang magpa-drug test ang bise alkalde dahil sa naging asal nito.
“But [Governor Rodolfo Albano is] handling him. I advise him to give him a drug test kasi mukhang adik yung asal niya eh,” sabi ni Remulla.
Nauna namang hinamon ni Respicio si Remulla na sabay silang magpa-drug test.
“Secretary Jonvic, magpa-drug test tayo now. Live! Exclusive! Samahan mo ko sa St. Luke’s, now! Today! Tignan natin kung nagdru-drugs si Atty. Harold Respicio,” ani Respicio.
Matapos sumailalim sa test, pabirong sinabi ni Respicio: “Jonvic, i-refund mo ko. Ang mahal ng drug test.”
Kumalat kamakailan sa social media ang video ng pagharap ni Respicio sa mga opisyal ng barangay kaugnay ng mga hindi pa tapos na proyekto para sa mga magsasaka ng tabako.
Naganap ang insidente sa isang sesyon ng Sangguniang Bayan at nagbunsod ng mga panawagan para sa aksyon laban sa lokal na opisyal. Ayon kay Remulla, mga opisyal ng lalawigan ang hahawak sa usapin. RNT/MDS