MANILA, Philippines – “HINDI ako aalis sa Maynila.”
Ito ang pagtitiyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kung saan tahasang sinabi nito na mananatili siyang nakatuon sa paglilingkod sa mga Manilenyo at wala siyang planong iwan ang lungsod.
Ang nasabing pahayag ay kasabay ng pagtanggap ni Domagoso ng Outstanding Rotarian in Government Service award sa 46th Handover at 47th Induction Ceremonies ng Rotary Club of Bagumbayan-Manila na ginanap Huwebes ng gabi sa Century Seafood Restaurant.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Domagoso na ang kanyang prayoridad ay ipagpatuloy ang mga programa ng pamahalaang lungsod na nakatuon sa kalusugan, edukasyon, pabahay at paglikha ng kabuhayan para sa mga residente ng Maynila.
“Higit sa lahat, salamat sa patuloy na tiwala at suporta ninyo sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Dahil sa tiwalang iyan, tuloy-tuloy nating naibabalik sa mamamayan ang pondo ng lungsod sa pamamagitan ng mga programa para sa minimum basic needs,” ani ng alkalde.
Binigyang-diin din ni Domagoso ang kahalagahan ng pagiging bukas at tapat ng pamahalaan sa publiko, sabay iginiit na bukas ang kanyang opisina sa sinumang nangangailangan ng tulong.
“Kung sakali namang maranasan ninyo ang aming imperfection, may kumatok sa inyong bahay o negosyo, huwag kayong magdadalawang-isip. Parang palengke ang opisina ko. Parang karinderya, bukas para sa kahit sino,” aniya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, muling pinawi ng alkalde ang mga usap-usapang aalis siya sa Maynila.
“At para po sa mga nagtatanong, hindi po ako aalis sa Maynila. Dito ang laban natin. Dito tayo nagsimula, at hangga’t kaya kong maglingkod, dito lang tayo sa tabi ng mga Batang Maynila,” giit ni Domagoso. JAY Reyes