MANILA, Philippines – Sumaksi ang ilang opisyal ng bangko sa Day 35 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi nakarehistro sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) alinsunod sa itinakda ng batas.
Unang sumalang sa witness stand si Arcy James Gonzales, Branch Manager, Asia United Bank o AUB–Davao Toril Branch na tumukoy sa bank account at transaction records nina VP Duterte at ng asawa nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio sa naturang bangko.
Tumindig din bilang testigo si Irene Joy C. Ishida, Department Head ng Branch Operations, Philippine Savings Bank (PSBank) upang tukuyin ang 4 na aktibong account mula sa 10 account nina Duterte at Carpio.
Inilantad naman ni Atty. Niña Aguilar, Head ng Anti-Money Laundering Division ng Metrobank na nagsasagawa ang bangko ng karagdagang review sa mga transaksyon ng mga kustomer na nabanggit sa negative media reports bago magsumite ng report sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa pagdinig nitong Miyerkoles, sinabi ni Aguilar na hindi lang dahil sa negative media o tsismis nagsasampa ng STR.
“For suspicious transaction reporting based on negative media, we generally file a suspicious transaction report if we have identified our customer as the subject of negative media and conduct further review on the transactions,” sabi niya.
Aniya, dumadaan muna sa internal approval ang mga STR, kabilang ang kanyang pag-apruba, bago ito isumite sa AMLC.
Noong Martes, naglabas ang opisyal ng AMLC ng ilang STRs sa ilalim ng mga account nina VP Duterte at Carpio. Nakalagay sa remarks ng ilang STRs na may kinalaman sa “malversation” ang mga detalyeng galing sa news reports.
Kinumpara ito ni Senator-judge Alan Peter Cayetano sa “paggamit ng news reports bilang STR nang walang sariling imbestigasyon” na parang “pagkakalat ng tsismis.”
Tinanong din ni Senator-judge Francis Pangilinan kung gaano kakapal ang pagsusuri sa mga STR.
“So binubusisi niyo nang husto dahil you’re careful na hindi rin tama na magfile ng STR kung mali, o dahil walang basis o dahil news report lang?” tanong ni Pangilinan.
Sumagot si Aguilar ng “oo.”
Dagdag pa ni Pangilinan: “So hindi lang base sa tsismis?”
Sa pagharap ni Aguilar, tinalakay niya ang mga bank account nina Duterte, Carpio, at ng kanilang mga anak. Ernie Reyes