THE HAGUE, Netherlands – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na ang kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay naglantad umano sa interes at agenda ng International Criminal Court (ICC).
“Nakikita na ngayon ng buong mundo kung anong klaseng organization ang ICC. At napakita natin through the case of former President Rodrigo Duterte kung anong klaseng institution ang ICC,” ayon kay VP Sara.
Muli rin niyang iginiit na pulitika ang nasa likod ng kaso laban sa dating pangulo.
“Kahapon sa rally, malinaw nating naipakita kung sino ang nagsimula ng lahat. It’s all about politics… Pinakita natin ang subject ng crimes against humanity, which is the drug war program of the government of the Philippines. At ipinakita rin natin na ang taong nag-utos ng imbestigasyon ay may conflict of interest,” ani pa niya.
Sinabi rin ni Sara na patuloy pa ring isinusulong ng ICC ang kaso kahit 81 taong gulang na si Rodrigo Duterte at may mga nararamdaman nang karamdaman.
“Nakikita natin na pinanghahawakan pa rin nila ang kaso ni President Duterte… 81 years old na siya… marami nang nararamdaman sa kanyang katawan,” saad niya.
Naniniwala rin si Sara na magiging halimbawa ang kasong ito sa ibang bansa sa paghusga sa reputasyon ng ICC.
“Magiging example siya ng iba’t ibang bansa kung ano ang reputasyon at ano ang interes at agenda ng ICC,” aniya.
Dagdag pa ng Bise Presidente, hiniling niya sa mga abogado ng kanyang ama na alamin sa mga awtoridad ang sanhi ng skin irritation na nararanasan ng dating pangulo. RNT/MDS