Home NATIONWIDE Grupo tutol sa Pax Silica dahil sa isyu ng tubig, kuryente, at...

Grupo tutol sa Pax Silica dahil sa isyu ng tubig, kuryente, at kawalan ng technology transfer

3
0

MANILA, Philippines – Tinutulan ng grupong Agham ang Pax Silica initiative, dahil umano sa malaking konsumo nito sa tubig at kuryente at sa kawalan ng technology transfer para sa Pilipinas.

“Walang nakasulat dito na technology transfer. Walang nakasulat dito na magiging sa atin ‘yung mga technologies na nandiyan. Tayo ay magpaparenta lang ng lupa, tayo ay pupuntahan nila para i-process dito ‘yung mga minerals dito pero iiwan din sa atin ‘yung mga waste,” ayon kay Agham spokesperson Giovanni Tapang.

“It will use a lot of water, it will use a lot of electricity: is this the kind of progress that we want?” dagdag pa niya.

Kinuwestiyon din ni Tapang ang pahayag ng pamahalaan na lilikha ang proyekto ng humigit-kumulang 130,000 trabaho, dahil ayon sa kanya, hindi naman kailangan ng maraming manggagawa upang patakbuhin ang mga data center.

Sinabi rin niyang ang Pax Silica ay nakatuon lamang sa pagproseso ng mineral at pag-export ng produkto, at hindi sa paggawa ng mga chip na magagamit ng Pilipinas.

Inihalintulad niya ito sa karanasan ng Intel Philippines, na umano’y umalis nang walang iniwang technology transfer.

Samantala, sinabi ng Malacañang na isasaalang-alang ng pamahalaan ang lahat ng pangamba tungkol sa epekto ng Pax Silica sa suplay ng tubig at kuryente.

“May chance po na mabago ang ibang mga provisions kung ano po ‘yung maaari pang mas maging maganda ang idulot sa ating mga kababayan, sa bansang Pilipinas, and of course sa mga partners. ‘Yun naman po ay isasaalang-alang,” ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro.

Samantala, sinabi ni DICT Secretary Henry Aguda na gumagamit ang mga modernong data center ng water recycling at desalination upang mabawasan ang paggamit ng tubig. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here