MANILA, Philippines – May labing tatlong (13) testigo ang inihanda ng prosekusyon kaugnay sa alegasyon ng maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds na siyang nilalaman ng Article 1 sa impeachment complaint na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Ngunit sinabi ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na maaari itong bawasan kung sa tingin ng prosekusyon ay napatibay na at napatatag ang alegasyong ito laban kay VP Sara.
“So kung ma-shorten po namin ‘yung proseso, let’s say after presenting eight or nine witnesses, tingin namin ay solid na solid na, we can move on to the next article.Hindi naman po ibig sabihin ‘pag sinabi nating ma-limit [ang number of witnesses], e magsa-suffer ‘yung tibay ng ebidensya,” ani Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Nakasaad sa Article I ang alegasyon na winaldas diumano ni Duterte ang P612.5 milyong confidential funds na tinanggap ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa pagitan ng 2022 at 2023.
Noong nagdaang Miyerkules ay sinimulan ng prosekusyon ang presentasyon ukol sa mga ebidensya ng Article 1 sa pamamagitan ng dalawang dating branch managers ng Land Bank of the Philippines na tumestigo na ang mga tseke na may kabuuang P612.5 milyon mula sa National Treasury ay na-withdraw ng cash sa pamamagitan ng authorization ng Special Disbursing Officers ng OVP at DepEd.
Sa Lunes ay ihaharap naman ngprosekusyon sa impeachment court ang dalawang auditors ng Commission on Audit (COA) at ang House records custodian upang matukoy diumano ang mga transaksyon ng pondo paano ito ginastos at ang liquidation nito.
Ani Chua kaparehong pamamaraan din ang susundan ng prosekusyon sa presentasyon ng ebidensya ng Article IV, kung saan inakusahan ng pagbabanta si VP Sara ng pagpatay kina Pangulng Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Aniya, sa 11 testigo sa ilalim ng Article IV ay tatlo lamang ang kanilang iniharap.
“Kagaya po doon sa threat, mga 11 po yata ’yung mga testigo. Pero after presenting three witnesses, napatunayan na namin ’yung purpose na gusto naming makuha. So tumigil na po kami. Once na na-meet na namin sa tingin namin matibay na ‘yung ebidensya, at ’yung mga ebidensya ay magdadagdag lamang ng tibay, ayaw naman po natin ng mahabang proseso o hearing,” dagdag pa ni Chua.
“As much as possible, gusto natin matapos na itong proseso nang sa ganun ay madesisyunan na kung ano talaga ’yung magiging hatol ng ating mga senador-judges.” (Meliza Maluntag)