MANILA, Philippines – Nais palawakin ng Pilipinas at Cambodia ang kalakalan at pamumuhunan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan upang mapalakas ang food security at kooperasyon ng dalawang bansa.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), tinalakay nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Cambodian Minister of Agriculture, Forestry and Fisheries Dith Tina ang pagpapalawak ng ugnayan sa agri-fishery sector kasama ang mga negosyante mula Cambodia.
Sinabi ni Tiu Laurel na magbubukas ang pagbisita ng oportunidad para sa mas maraming negosyo, pribadong pamumuhunan, at pakikipagtulungan sa buong agricultural value chain.
Noong 2025, umabot sa USD15.9 milyon ang kalakalan ng produktong agrikultural ng Pilipinas at Cambodia, at patuloy pa itong lumalago ngayong taon.
“In 2026, there is significant growth in trade between the Philippines and Cambodia, and we’re looking forward to continuing that trajectory. Hopefully something good and more deals will come out of this mission,” ani Tiu Laurel.
Kasabay nito, isinusulong ng Pilipinas ang modernisasyon ng agrikultura sa pamamagitan ng climate-resilient farming, mas matibay na biosecurity, digital technology, at pagpapalakas ng supply chains.
Binanggit din ng DA na bahagi ito ng mas malawak na pagsisikap ng mga bansang ASEAN na palakasin ang regional food systems at mabawasan ang pagdepende sa mga pamilihan sa labas ng rehiyon.
“At the end of the day, we cannot afford to do it alone. The Philippines needs its ASEAN brothers to work closely for the common good, and a common food-secure ASEAN,” ani Tiu Laurel. RNT/MDS