MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babae na umano’y nagpapanggap na doktor at nag-aalok ng penile enlargement procedure kahit wala siyang lisensya sa medisina.
Nahuli ang suspek sa isang entrapment operation sa isang hotel room sa Parañaque City habang inihahanda umano ang isang lalaking pasyente para sa filler injection upang palakihin ang ari nito.
Ayon kay NBI spokesperson Palmer Mallari, nagsimula ang operasyon matapos magsampa ng reklamo ang pasyente at ang kanyang asawa. Nalaman umano nila ang serbisyo ng suspek sa pamamagitan ng mga rekomendasyon ng dating mga kliyente.
Nag-alok umano ang suspek ng iba’t ibang penile enlargement procedure na umaabot sa P50,000, mas mababa kaysa karaniwang P80,000 hanggang P100,000 para sa lehitimong operasyon.
“The suspect seemed like a genuine doctor. In fact, she was arrested while wearing a white lab gown. She also had tools naturally used in procedures like this. We also found medicines and syringes,” ani Mallari.
Nagbayad ang mag-asawa ng P2,000 na downpayment, ngunit naghinala sila nang sa hotel room itinakda ang procedure sa halip na sa klinika o ospital.
“The complainants researched and found notices from the NBI and PNP (Philippine National Police) about individuals who conduct medical procedures without a corresponding license. They became doubtful. Because of this, they reached out to the NBI and filed a complaint,” ayon pa kay Mallari.
Kinumpirma ng Professional Regulation Commission (PRC) na hindi lisensyadong doktor ang suspek.
Bukod sa filler injections, nag-aalok rin umano siya ng genital implants o “bulitas” at iba pang medical procedures.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong illegal practice of medicine sa ilalim ng Medical Act of 1959.
Nagbabala rin si Mallari sa publiko: “Instead of saving money, this might make things worse and cause permanent damage to your genitals.”
Patuloy pang iniimbestigahan ng NBI kung may iba pang naging biktima ang suspek sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. RNT/MDS