Home METRO 4 pasaherong Pinoy tiklo sa P62.7M kush sa NAIA T3

4 pasaherong Pinoy tiklo sa P62.7M kush sa NAIA T3

3
0

MANILA, Philippines – Apat na pasaherong Pinoy ang inaresto ng mga tauhan ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) matapos madiskubreng naglalaman ng 41,851 gramo ng hinihinalang marijuana kush ang kanilang mga bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong nakaraang Huwebes, Hulyo 30.

Kinilala ng IADITG ang mga naarestong suspek na sina alyas Daniel, alyas Paula, alyas Rosemarie, at isang alyas Jeffrey.

Sa inisyal na report ng IADITG, nangyari ang pagdakip sa mga suspek bandang alas 9:00 ng umaga sa Customs Secondary Inspection Area, Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City.

Napag-alaman na ang mga suspek ay kapwa mga pasahero ng Cebu Pacific Airlines flight Flight 5J 932 galing Bangkok, Thailand at nabigyan ng pansin ng mga opisyal ng customs ang kanilang mga bagahe na kahina-hinala.

Sa pag iiinspeksyon ay nadiskubre sa dalawang bagahe ni alyas Daniel na mayroong tig-18 self-sealing foil pouches na may kabuuang 10,393 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana kush.

Naglalaman din ang dalawang bagahe ni alyas Paula ng tig-17 piraso ng vacuum-sealed transparent plastic pouches na may kabuuang 9,821 gramo ng pinatuyong dahoon ng marijuana kush.

Sa dalawang bagahe ni alyas Rosemarie ay may nakitang tig-18 pirasong self-sealing foil pouches kung saan naglalaman ito ng umabot sa 10,332 gramo ng marijuana kush habang sa dalawang bagahe naman ni alyas Jeffrey ay mayroong tig-18 piraso ng self-sealing foil pouches kung saan nadiskubre ang nasa 11,005 gramo ng marijuana kush.

Sa kabuuan ay nakakumpiska sa ikinasang interdiction operation ang IADITG ng 41,851 gramo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng P62,776,500.

Bukod sa nakumpiskang ilegal na droga ay nasamsam din sa mga suspek ang kani-kanilang pasaporte, boarding passes, cellular phones, gayundin ang kanilang mga personal na gamit.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim ang mga ito sa laboratory examination.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR kabilang ang Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan/ mga larawan ni Jimmy Hao)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here