MANILA, Philippines – Tuluy-tuloy na ang pag-andar ng inilunsad ng Kamara na “LegisHear” sa buong bansa kung saan ang susunod na istasyon nito ay ang Butuan City at Dumaguete City.
Kinumpirma ito ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III matapos ang pormal na paglulunsad ng programang “LegisHear” sa Isabela na ang pangunahing layunin ay lapitan ang mamamayan sa pamamagitan ng konsultasyon upang makalikha ng mga panukalang batas na aalalay sa mga Pilipino
“Siyempre, katulad nga nito, ito ang umpisa ng ating programa. Katulad nga ng sinasabi ko, ang aming mga miyembro ng House ay kakausapin namin kung sino ang susunod na magho-host, para tuloy-tuloy ang mga ganitong programa at para talagang malaman namin ang mga panukalang batas na aming isusulong. Hindi kami titigil.”
Ang konsultasyon ayon sa speaker ay bahagi ng pagpapatatag sa “Bagong Kongreso” na bukas at tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad sa halip na ang mamamayan ang magtungo sa Kongreso.
Sinabi naman ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na ang long-term goal ay madala ang “LegisHear” sa may 81 lalawigan upang hikayatin ang publiko na makilahok sa proseso ng paglikha ng mga makabuluhan at makatuwirang panukalang batas.
“Hopefully we can go to all provinces. Pero ’yon aim namin na pupunta kami sa lahat ng probinsya all over the country. We want to go muna sa Luzon, Visayas, Mindanao. So, Mindanao, Butuan ’yon ang una naming nakikita where we can go.”
Ang susunod na LegisHear sa Butuan ay pangungunahan ni Butuan Lone District Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II.
Sinabi pa ni Garafil na ang LegisHear program ay pangunahing inisyatibo nina Speaker Dy at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos matapos aniya ang matagumpay na konsultasyon sa panukalang Anti-Political Dynasty Act.
“This is a program actually ni Speaker Bojie Dy at saka ni Majority Leader Sandro Marcos. As you can see mayroon tayong Bagong Kongreso na una nating narinig noong SONA. So, this was actually inspired by the consultations we conducted noong when we were discussing Anti-Political Dynasty Bill. Sabi nga ni Speaker kanina, pumunta kaming Luzon, Visayas, Mindanao and we conducted the consultation of all the stakeholders. Doon namin nakita na interesado ang mga tao pala to take part in drafting and bill consultation,” dagdag pa ni Garafil.
Si Speaker Dy ay sinamahan nina Isabela 5th District Rep. Faustino Michael Carlos T. Dy III, Isabela 4th District Rep. Joseph S. Tan, at LPGMA Party-list Rep. Allan U. Ty, maging House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil nang ilunsad ang LegisHear sa Isabela. (Meliza Maluntag)