MANILA, Philippines – Pinalutang ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado, Agosto 1, ang posibilidad na may tumulong upang makapagpiyansa si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kanyang malversation case, at sinabing inasahan na ng kanyang opisina ang desisyon ng Sandiganbayan.
Ito ay kasunod ng pagpayag ng Sandiganbayan Third Division sa bail petition ni Revilla nitong Biyernes, kung saan siya ay pansamantalang nakalaya matapos makapagpiyansa ng P1 milyon.
Noong Enero 16, ay naghain ang Office of the Ombudsman ng reklamong malversation at graft laban kay Revilla at iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways kaugnay ng maanomalyang infrastructure project sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga ng P98 milyon.
“We predicted this to happen. Alam na namin ito… Mayroon talagang mangyayari na ‘mukhang tinatrabaho’ na magkaroon ng grant of bail,” sinabi ni Remulla sa kanyang programa sa DZRH.
“Pero that’s only a battle. We have to win the war as a country. Itong giyerang ito, bansa ito na nakikipaglaban para sa kanyang survival so we need the country to help us,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito ay hindi na nagbigay pa ng ibang impormasyon si Remulla kaugnay sa kanyang sinabi.
Sinabi rin ni Remulla na ang desisyon ay “part of a battle” ng bansa sa paglaban sa korapsyon.
Aniya, hindi pa tapos ang giyera ngunit magsisilbi itong “eye opener that we had to fight harder… for us to win the war against corruption.”
Nitong Biyernes ay sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na nirerespeto ng Office of the Ombudsman ang kautusan ng Sandiganbayan “exhaust all remedies to highlight the basis for which we can say that the evidence of guilt is indeed strong against former Senator Ramon ‘Bong’ Revilla.”
Samantala, sinabi ni Remulla na nais niyang makipag-usap kay Chief Justice Alexander Gesmundo, at sinabing ang pagsugpo sa korapsyon sa bansa ay nangangailangan ng whole-of-government approach kung saan ang anti-graft body ang magtatrabaho sa evidence-based cases, habang ang judiciary naman sa mga nalalabing trabaho.
“The Ombudsman raised a standard of reasonable certainty of conviction before we file a case. We raised the standards. This is not weaponized. Our work is not weaponized, it’s evidence-based. It’s not just us, the other half of it is the judiciary,” giit niya.
Wala pang tugon ang legal counsel ni Revilla na si Atty. Rean Balisi, kaugnay sa pahayag ni Remulla. RNT/JGC