Home HOME BANNER STORY 400K-500K benepisyaryo nasa waitlist ng 4Ps

400K-500K benepisyaryo nasa waitlist ng 4Ps

1
0

MANILA, Philippines – Nasa 400,000 hanggang 500,000 benepisyaryo ang nasa waitlist ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng pamahalaan, ayon sa Department of Social Welfare and Development nitong Sabado, Agosto 1.

“Mayroon tayong naka-waitlist na nasa around 400,000 to 500,000. ‘Yan ‘yung validated na 4Ps beneficiaries,” sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa isang panayam.

“Ang annual target natin ay nasa 4.4 million households. Right now, nasa mahigit 2.8 million tayo. We are enrolling additional, batay du’n sa validated na waitlist,” dagdag pa niya.

Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 120 noong nakaraang buwan na nagpapalawig ng maximum 7-year participation period para sa 4Ps beneficiaries.

“Sa batas, nakalagay na ang isang program beneficiary, maaari lamang manatili sa programa for 7 years. Pero in-extend ‘yan ng Pangulo kasi nakita na maaaring nag-7 years na sa programa ang isang household beneficiary, pero nasa level 1 at nasa level 2 pa rin,” ani Dumlao.

Sinabi ng opisyal na ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay taon-taong sinusuri upang malaman kung saang lebel na ang mga ito.

Ang Level 1 ay survival, Level 2 ay subsistence, at Level 3 ay self-sufficient, ani Dumlao.

“Mino-monitor natin ang progress ng ating 4Ps beneficiaries using a tool we call social welfare and development indicators (SWDI). Mine-measure natin ang social adequacy and economic sufficiency. Mine-measure natin kung nag-i-improve ba ang level of well-being ng ating mga 4Ps beneficiaries.”

“Batay du’n sa batas at mga polisiya, kapag naabot mo na ang level 3, candidate ka na for graduation o e-exit ka na sa programa. Pero hindi nangangahulugan na pababayaan ka na ng ating pamahalaan,” dagdag pa ni Dumlao at sinabing ang mga graduate na sa programa ay itinurn-over na sa lokal na pamahalaan para sa monitoring at assistance.

“Kaya may tinatawag na pugay-tagumpay, para ma-turnover namin kayo sa local government unit at mabantayan din [at] matiyak na hindi kayo bumalik muli sa kahirapan,” anang opisyal.

Sa oras na lumabas na sa programa ang benepisyaryo ay magkakaroon na ng slot at dito na makakapasok ang nasa waitlist.

“Sila naman ang ire-register natin na mga panibagong benepisyaryo ng programa,” aniya.

“Towards the end of the year, makikita natin kung mayroon nang mag-e-exit sa programa,” dagdag pa.

Samantala, ang mga pamilyang kumikita ng P13,000 kada buwan ay maikokonsiderang mahirap.

“‘Yung mga pamilya na ang kinikita ay below P13,000 [a month], sila ang naka-classify in the poor.”

Para sa taong 2023, ang poverty threshold o minimum income na kailangan para sa pamilya na makaabot sa basic food at non-food requirements ay nasa national average na P13,873 kada buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Ani Dumlao, mula 2022 ay may mahigit 1.6 milyong household beneficiaries ang nakalabas na sa 4Ps. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here