MANILA, Philippines – Ika-65 ang Pilipinas sa 174 na bansa sa 2025 Atlas of Impunity, isang taunang pag-aaral na sumusukat sa antas ng impunity o paggawa ng krimen nang walang pananagutan o kaparusahan.
Batay sa ulat na inilabas noong nakaraang Miyerkules, nakakuha ang bansa ng impunity score na 44.86, na naglagay dito sa upper half ng pandaigdigang ranggo.
Ayon sa pag-aaral, mas mababang score ang katumbas ng mas mataas na ranggo, na nangangahulugang mas mataas ang antas ng impunity sa isang bansa.
Mas mataas ang naging ranggo ng Pilipinas kumpara sa ilang bansa sa Southeast Asia tulad ng Myanmar (ika-4), Cambodia (ika-33), at Lao PDR (ika-57).
Samantala, mas maganda ang naging resulta ng Indonesia (ika-66), Vietnam (ika-77), Thailand (ika-81), Malaysia (ika-110), Timor-Leste (ika-126), at Singapore (ika-139). Hindi naman kasama sa ranggo ang Brunei Darussalam.
Tinukoy ng pag-aaral ang impunity bilang paggamit ng kapangyarihan nang walang pananagutan, kabilang ang paggawa ng mga krimen na hindi napaparusahan.
Sa limang pangunahing kategorya ng pag-aaral, pumuwesto ang Pilipinas sa ika-74 sa unaccountable governance, ika-90 sa economic exploitation, ika-90 sa environmental degradation, ika-43 sa conflict and violence, at ika-41 sa abuse of human rights.
Pinangunahan nina David Miliband at ng Eurasia Group’s Geostrategy team ang pagbuo ng Atlas of Impunity, sa suporta ng Andrew Carnegie Foundation, habang katuwang ang Thomson Reuters Foundation.
Ayon sa ulat, nananatiling pangunahing dahilan ng impunity sa buong mundo ang kawalan ng pananagutan sa pamamahala, kung saan ang paghina ng press freedom ang isa sa malinaw na indikasyon nito.
Nanguna naman sa listahan ng mga bansang may pinakamataas na antas ng impunity ang Syria, sinundan ng South Sudan, Afghanistan, Myanmar, at Yemen. RNT/JGC