MANILA, Philippines – Naghanda ang House prosecution panel ng hanggang 13 witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa Article I, na nag-aakusa sa kanya ng maling paggamit ng P612.5 milyong halaga ng confidential funds.
Natapos na ng prosekusyon ang presentasyon ng ebidensya sa Article IV na patungkol naman sa grave threats, sinabi ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na naihanda na ng panel ang susunod na set ng mga witness.
“We have more or less 13 witnesses, so if we can shorten the process—let’s say after presenting eight or nine witnesses—and we believe the case is already very solid, then we can move on to the next article,” ani Chua.
Sa kabila nito, sinabi ni Chua na ang pagpresenta ng mas kakaunting witness ay hindi magpapahina sa kaso ng prosekusyon.
Unang inilista ang 11 witness para sa Article IV ngunit ibinaba ito sa tatlo.
Ganito rin ang maaaring gawin sa Article I at sinabing ang pagpapabilis ng proceedings ay magbibigay-daan sa mga senator-judge na pagdesisyunan na ang kaso.
“We do not want a lengthy process or hearing,” ani Chua. RNT/JGC