Home NATIONWIDE 21 tiklo sa CALABARZON sa crackdown vs paihi

21 tiklo sa CALABARZON sa crackdown vs paihi

1
0

MANILA, Philippines – Inaresto ng CALABARZON police ang 21 suspek sa magkakahiwalay na operasyon laban sa iligal na paihi ng langis sa Laguna at Quezon.

Kasabay nito ay narekober ang mahigit P30 milyong halaga ng produktong petrolyo.

Ni-raid ng Regional Intelligence Division (RID) ng CALABARZON Police ang abandonadong gasolinahan sa Santa Rosa City, Laguna kung saan pinaniniwalaang sinisipsip ng mga suspek ang petrolyo mula sa mga tanker truck.

Ayon sa mga imbestigador, sangkot sa modus ang mga drayber ng tanker na nagdadala ng mga kargamento ng langis sa mga abandonadong istasyon sa halip na ideliver ito sa mga lehitimong customer.

Doon na kukunin ng mga kasabwat ang gasolina at diesel sa pamamagitan ng paihi mula sa mga tanker saka ililipat sa mga malalaking container para sa illegal na muling pagbebenta sa mga ito.

“Sisipsipin from the tanker, isasalin yan sa canister. Then may mga nag-aantay din na elf. So from there, doon sila magmumula at ide-deliver nila kun doon sa mga maliliit na players na nagbebenta ng gasolina,” sinabi ni PBGen. Dominic Baccay, Acting Regional Director ng CALABARZON Police sa panayam ng ABSCBN.

Siyam na suspek ang naaresto sa Laguna, kung saan nakuha ng mga awtoridad ang P18 milyong halaga ng ebidensya, kabilang ang apat na oil tanker at libo-libong litro ng gasolina at diesel, kasama ng mga galon at canister.

Sa hiwalay na raid sa Barangay Silangan Mayao, Lucena City, Quezon, ay naaresto naman ng mga awtoridad ang 13 pang suspek na sangkot umano sa pagnanakaw ng produktong petrolyo mula sa tanker trucks at pagsipsip sa liquefied petroleum gas (LPG) mula sa mga cylinder nito.

Naniniwala ang pulisya na mayroong organisadong sindikato sa likod ng malawakang oil pilferage operations.

“Isa pa ‘yan na dini-dig up natin — kung merong mas mataas o mas malaking tao na nasa likod ng grupong ito,” ani Baccay.

“Hindi lamang dito sa Laguna, meron din tayo sa ibang probinsiya. Kaya bumubuo kami ng isang malawakang case operational plan diyan at para tugisin natin kung sino ang nasa likod nito,” dagdag pa niya.

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Oil Pilferage Law at LPG Industry Regulation Act. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here