Home NATIONWIDE F2F classes sa mga paaralan sa Las Piñas, sinuspinde ng 5 araw

F2F classes sa mga paaralan sa Las Piñas, sinuspinde ng 5 araw

3
0

MANILA, Philippines – Alinsunod sa direktiba ni Las Piñas City Mayor April Aguilar-Nery ay pansamantalang sinuspindi ang face-to-face classes sa Las Piñas National High School (LPNHS) at Las Piñas National Senior High School-Diego Cera Campus sa loob ng limang araw mula ngayong Agosto 3 hanggang Agosto 7, 2026.

Sinabi ni Ignacio L. Son, Jr., punong-guro ng LPNHS, naglabas din sila ng statement kung saan nakasaad na pansamantalang ipatutupad ang Asynchronous/Modular Distance Learning sa dalawang nabanggit na eskwelahan at muling ibabalik ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa Agosto 10, 2026.

Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ni Aguilar na mariing kinokondena ng lokal na pamahalaan ang lahat ng uri ng karahasan, lalo na ang mga nagaganap sa loob ng ating mga paaralan, na nararapat manatiling ligtas na lugar para sa pagkatuto, paghubog ng pagkatao, at kapakanan ng ating mga mag-aaral.

Kasabay nito ay sinabi ni Aguilar na lubos niyang ikinalungkot ang marahas na insidenteng kinasangkutan ng dalawang Grade 9 student ng LPNHS nitong nakaraang Hulyo 31 na nauwi sa malagim at maagang pagpanaw ng13-taong-gulang na biktima makaraang saksakin ng kanyang 14-anyos na kaklase dahil lamang sa sukling sampung piso sa pinabiling tubig ng suspek sa biktima.

Sinabi ni Aguilar na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Schools Division Office (SOD) ng Las Piñas, sa pamunuan ng LPNHS, Philippine National Police (PNP), at sa iba pang kaugnay na ahensya upang bantayan ang mga kaganapan at ang isinasagawang imbestigasyon upang matiyak na ang lahat ng nararapat na hakbang ay naipatutupad.

Batay sa opisyal na pahayag ng paaralan at ng SDO, kasalukuyang isinasagawa ang masusi, patas, at walang kinikilingang imbestigasyon pati na rin ang paglalaan ng Psychological First Aid (PFA), psychosocial support, at iba pang angkop na interbensyon para sa mga apektadong mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.

Ayon pa kay Aguilar, matagal nang ipinatutupad sa mga paaralan ang mga hakbang sa seguridad, kabilang ang paggamit ng metal detectors at security scanners, bilang bahagi ng umiiral na mga safety protocol.

Kaugnay sa hindi inaasahang insidente ng pananaksak sa loob mismo ng eskwelahan ay ipinag-utos din ni Aguilar sa Las Piñas City police na higit pang paigtingin ang presensya ng mga pulis sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod, habang patuloy na nire-review at pinalalakas ang umiiral na mga hakbang sa seguridad sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at mga awtoridad ng paaralan.

Bukod sa tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima ay inatasan din ni Aguilar ang Las Piñas City Social Welfare and Development Office (CSWDO) katuwang ang DepEd na magsagawa ng mga debriefing session, counseling, at psychosocial interventions para sa mga mag-aaral sa mga apektadong paaralan upang matiyak na matatanggap nila ang kinakailangang emosyonal na suporta upang makayanan ang naranasang trahedya na nangyari sa kanila. James Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here