Home NATIONWIDE Death toll sa migrant rush sa Spain, umakyat sa 72

Death toll sa migrant rush sa Spain, umakyat sa 72

1
0

SPAIN – Umakyat na sa 72 ang bilang ng mga nasawi matapos ang malawakang pagpasok ng mga migranteng mula sa Morocco patungo sa Spanish enclave ng Ceuta, ayon sa mga opisyal nitong Linggo, Agosto 2.

Nadagdagan ang bilang ng mga nasawi matapos matagpuan ang lima pang bangkay sa baybayin ng North Africa.

Mahigit 50,000 migrante ang tumawid sa Ceuta sa pamamagitan ng lupa at dagat sa hindi pangkaraniwang pagdagsa na nagsimula noong Huwebes. Ito ang isa sa dalawang hangganan ng European Union sa Africa.

Ayon sa mga awtoridad sa Spain, mahigit 48,000 katao ang naibalik sa Morocco sa loob lamang ng 48 oras, habang nagpapatuloy ang pagbabalik ng iba pang migrante.

Sinabi ni Miguel Angel Perez, kinatawan ng pamahalaan ng Spain sa Ceuta, na bukod sa mga nasawi ay mahigit 1,000 katao rin ang nabigyan ng medikal na atensyon.

Marami sa mga migrante ang nalunod habang sinusubukang tumawid sa dagat, habang ang iba naman ay nasawi matapos maipit sa breakwater at border fence.

Samantala, sinabi ng Interior Ministry ng Morocco na 11 lamang ang kumpirmadong nasawi at karamihan sa mga ito ay nalunod habang tinatawid ang hangganan. Patuloy pa umano nilang bineberipika ang iba pang ulat ng mga namatay.

Ayon sa Morocco, pinalala ng maling impormasyon sa social media, human trafficking networks at maling interpretasyon sa isang desisyon ng korte sa Spain ang pagdagsa ng mga migrante.

Tinaya rin ng Morocco na nasa 40,000 lamang ang kabuuang bilang ng mga nagtangkang tumawid, mas mababa sa bilang na inilabas ng Spain.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Ceuta leader Juan Jesus Vivas na umabot na sa 88 bangkay ang natanggap ng city morgue, kabilang ang mga nasawi sa mga naunang pagtatangkang makapasok sa teritoryo bago ang malawakang migrant rush.

Bilang tugon sa insidente, pinalakas ng Spain ang presensya ng pulisya at militar sa lugar at naglagay ng 500 metrong floating barrier sa baybayin ng Ceuta.

Dahil sa pangyayari, 22 miyembrong bansa ng European Union ang nanawagan ng mas mahigpit na koordinasyon upang maprotektahan ang panlabas na hangganan ng EU, habang pansamantalang sinuspinde ng Italy ang passport-free Schengen travel arrangements sa Spain sa loob ng isang buwan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here