ZAMBOANGA, Philippines – Nasunog ang 14 na bahay sa Sitio Baliwasan Grande, Barangay Baliwasan, Zamboanga City noong Agosto 2.
Ayon sa mga awtoridad, 16 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog bandang 2:00 ng hapon.
Iniimbestigahan ng mga arson investigator kung short circuit sa isang bahay ang sanhi ng sunog.
Batay sa imbestigasyon, naapula ng mga kapitbahay ang isang naunang sunog at pinayuhan ang may-ari ng bahay na patayin ang main circuit breaker upang maiwasan ang panibagong sunog.
Makalipas ang ilang oras, nagkaroon umano muli ng short circuit sa parehong kable, na naging sanhi ng ikalawang sunog at mabilis na kumalat sa mga katabing bahay.
Naapula ang sunog makalipas ang halos isang oras, at walang naiulat na nasawi o nasugatan. Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. RNT/MDS